Mas maraming ospital para sa pagbabakuna sa mga bagets, oks!
ni Ryan Sison - @Boses | October 22, 2021
Habang umaarangkada ang COVID-19 vaccination sa mga menor-de-edad na 12 hanggang 17-anyos, plano ng Department of Health (DOH) na dagdagan ang bilang ng mga ospital na magsasagawa ng pagbabakuna.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, simula ngayong araw ay madaragdagan pa ang unang walong ospital na nagsasagawa ng pagbabakuna. Dagdag pa nito, may mga ospital pang nagpahayag ng kahandaan na sumali sa vaccination rollout para sa pediatric sector na may comorbidities.
Samantala, natukoy na rin aniya ng DOH ang mga rehiyon na magpapatupad ng pagbabakuna sa mga menor-de-edad. Gayunman, maaaring magparehistro ang mga menor-de-edad sa pamamagitan ng kanilang pediatrician at LGUs.
Habang mas marami nang ospital ang magsasagawa ng pagbabakuna, ang tanong ay may sapat na suplay na ba? Isa pa, handa na bang magpabakuna ang mga menor-de-edad?
Ilan lang ‘yan sa mga kailangang paghandaan upang maiwasan ang aberya at maging maayos ang roll-out ng bakuna.
Sa ngayon, nananawagan ang ilang alkalde na ibigay na sa mga LGU ang COVID-19 vaccine doses na gagamitin para sa pediatric vaccination habang naghahanda ang mga ito.
Oras na maging maayos ang pagbabakuna sa Metro Manila, sana’y maisagawa na rin ito sa iba pang panig ng bansa, partikular sa mga lugar kung saan gagawin ang pilot implementation ng face-to-face classes.
Sa pagkakataong ito, sana’y walang mga aberya dahil wala tayong ibang hangad kundi mabakunahan nang ligtas ang mga menor-de-edad.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments