top of page

Mas maluwag na pasahe sana sa MRT at LRT para sa mga lolo’t lola

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 23
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | June 23, 2025



Boses by Ryan Sison


Kung kalahati na lamang ang pamasahe ng mga estudyante sa LRT at MRT, bakit hindi rin kaya gawin sa mga senior citizen? 


Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin, bayarin at gastusin sa transportasyon, ang desisyon ng gobyernong pag-aralan ang 50% discount para sa mga nakatatanda ay magiging makatwiran para sa kanila. 


Ayon sa Malacañang kasalukuyang pinag-iisipan ng pamahalaan ang posibilidad na gawing 50 percent ang diskuwento sa pamasahe ng mga senior citizen sa LRT-1, LRT-2, at MRT-3 — katulad ng bagong ipinatutupad na benepisyo sa mga estudyante. 


Batay din sa Palasyo, hinahangad ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na mapalawak ang saklaw ng mga benepisyo sa mga sektor na higit na nangangailangan. 


Nauna nang ipinahayag ng Department of Transportation (DOTr) na simula na ang pagpapatupad ng 50% fare discount para sa mga estudyante sa tatlong linya ng tren. Sakop lamang ng diskuwento ang mga bumibili ng single journey ticket sa mismong ticket counter. Hindi ito maaaring gamitin sa Beep Cards o stored-value cards. 


Sa kasalukuyang batas, kabilang ang Expanded Senior Citizens Act at Magna Carta for Persons with Disability ang mga senior citizens ay may 20% discount sa lahat ng pampublikong transportasyon. 


Subalit, sinabi ng Pangulo sa isang podcast na marapat lamang na dagdagan pa ang ayuda o benepisyo para sa mga matatanda, lalo’t karamihan sa kanila ay wala nang regular na kita.


Sa bawat biyahe ng isang estudyante ay may pag-asa. Sa bawat biyahe naman ng isang senior citizen, naroroon ang sakripisyo ng mga naunang henerasyon. 


Batid ng lahat na marami sa mga lolo’t lola ang matagal na ring nagsilbi at nagtrabaho para sa kanilang pamilya, habang malaki ang naging kontribusyon nila sa ekonomiya ng bansa, kaya marapat na maibalik natin sa kanila ang mga pinaghirapan. 


Kung kayang igawad ang malaking diskuwento sa mga mag-aaral na nagtataguyod ng kinabukasan, nararapat din sigurong ibigay ito sa mga matatandang minsang naging pundasyon ng kasalukuyan. 


Marahil, ang 50% discount sa pamasahe para sa senior citizens ay hindi lamang ayuda — ito ay pagkilala, pagrespeto, at pagmamalasakit sa kanila. Isang hakbang para tiyakin na ang ating mga lolo at lola ay hindi na kailangang mamroblema pa sa simpleng pamasahe.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page