Mas malalim na imbestigasyon sa Comelec hacking
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 14, 2022
Hindi magkandaugaga ang Commission on Election (Comelec) sa pagpapaliwanag na wala umanong naganap na hacking sa kanilang system na taliwas sa naglalabasang balita na nagdulot ng pangamba sa ating mga kababayan.
Maging ang Palasyo ay nagpahayag ng pag-aalala dahil malaking epekto nga naman ito kung may katotohanan dahil magbibigay ito ng malaking duda sa integridad ng Comelec.
Nailathala kasi ng isang pahayagan noong Lunes na isang hindi nagpakilalang grupo ng hackers ay nagawang i-hack ang Comelec system noong Enero 8 at nakapag-download umano ng mahigit sa 60 gigabytes ng data na posibleng makaapekto sa darating na eleksiyon sa Mayo 9.
Dahil sa pagkakalathala ng naturang balita ay marami ang naalarma, partikular ang ating mga kababayan na hindi naman gaanong nakatutok sa mga huling kaganapan sa nalalapit na eleksiyon at umaasa lamang sa kredibilidad ng Comelec.
Ayon sa ulat, bago umano inilathala ang naturang balita ay inimpormahan pa ng naglabas ng balita ang Comelec hinggil sa umano’y naganap na hacking, ngunit hindi umano nagbigay ng kahit anong reaksiyon ang Comelec dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Agad namang nagbigay ng paliwanag ang Comelec na wala umanong katotohanan ang naturang balita dahil sa ang binabanggit na nanakaw na files kabilang na ang usernames at PINS ng vote-counting machines (VCM) ay hindi pa umano kompleto sa kanilang system.
Hindi naman natin kinukuwestiyon ang paninindigan ng Comelec kung totoong walang naganap na hacking dahil kailangan nilang pangalagaan ang kredibilidad ng kanilang tanggapan, ngunit dapat nagbigay sila ng sapat na panahon para alamin muna kung may katotohanan ang ulat.
Hindi dapat ura-urada ay nagbibigay ng pahayag dahil maselan ang ulat na ito dahil dito nakataya ang magiging resulta ng halalan na posibleng magdulot ng kaguluhan kung hindi maisasaayos ng maaga bago dumating ang halalan.
Dapat magsagawa ng mas malalim na pagsusuri at imbestigasyon, baka nga naman totoong na-hack ang system ng Comelec at kapag natiyak na wala itong katotohanan ay doon pa lamang dapat maglabas ng opisyal na pahayag.
Ang dating kasi ay parang masyadong nakadepensa agad ang Comelec dahil sobrang bilis ng kanilang pahayag gayung dapat ay manggaling sa kanilang cyber security expert ang report na talagang walang naganap na hacking para makampante ang ating mga kababayan.
Anuman ang motibo ng naglathala ng balitang ito ay dapat pa ring magpasalamat ang Comelec dahil nakarating sa kanila ang ulat na kung hindi man totoo ay mapaghandaan pa rin nila ang posibilidad na mangyari ito.
Kung totoo naman na may hacking na naganap ay huwag matakot ang Comelec na ianunsiyo ito dahil may sapat pa namang panahon para ayusin ang kanilang sistema na tutugon sa malinis na halalan at papanagutin kung sino man ang may gawa nito.
Halimbawa namang lumabas talaga sa imbestigasyon ng Comelec na hindi totoo ang hacking ay imbestigahan din ng mabuti kung bakit nais dungisan ng mga salarin ang kredibilidad ng Comelec at lagyan ng malaking pagdududa ang ilalabas nilang resulta.
Posible ring kasi na ang target ng balitang ito ay ang kandidatong nangunguna nang milya-milya sa survey na kung magtuluy-tuloy na manalo ay puwedeng idahilan na kaya nanalo ay dahil sa hindi malinis ang halalan dahil may naganap ngang hacking sa Comelec.
Hindi naman tayo nagbibintang pero malinaw ang posibilidad kung sinu-sino ang posibleng makaisip para dungisan ang kredibilidad ng Comelec kung hindi naman totoo ang naganap na hacking.
Marami ang mga anggulong dapat tingnan sa balitang ito ngunit huwag sanang isaisantabi ng Comelec na hindi imposibleng ma-hack ang kanilang system dahil marami ng malalaking ahensiya ng pamahalaan ang naging biktima ng hacking.
Ngunit kung opisyal na at pinal na talaga ang resulta ng imbestigasyon na walang katotohanan ang hacking ay dapat magdoble-sikap ang Comelec sa pagpapaliwanag para makarating sa ating mga kababayan ang buong pangyayari at mawala ang duda ng sambayanan.
Pero kung lahat na nang pagsisikap ay ginawa na ng Comelec para patunayang wala talagang hacking na naganap at pagkatapos ng halalan ay may gagamit pa rin sa isyung ito ay alam na kung sino ang nasa likod nito.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments