top of page

Mas malaking budget sa 2026, tugon sa krisis sa edukasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 18, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Noong sinimulan natin sa plenaryo ang talakayan para sa panukalang 2026 national budget, binigyang-diin ng inyong lingkod na makasaysayan ang pondong ilalaan natin para sa sektor ng edukasyon. Sa kauna-unahang pagkakataon, makakamit natin ang 4% hanggang 6% benchmark na inirekomenda ng United Nations para sa nasabing sektor.  


Umabot sa P1.38 trilyon ang ipinanukala nating pondo sa edukasyon, katumbas ng 4.5% ng Gross Domestic Product (GDP). Katumbas din ng halagang ito ang 20% ng panukalang P6.793 trilyon na kabuuang pondo para sa 2026.


Napakahalaga nito para sa bansa dahil kung malaki ang budget, mas madaling masosolusyunan ang mga pangunahing pangangailangan ng sistema ng edukasyon. Sa madaling salita, maaari na nating matugunan ang education crisis -- marami pa ring bata ang nahihirapan sa reading at math, kulang ang learning materials, at mababa ang learning outcomes.


Mapapalawak na rin ang programa para sa remediation, learning recovery, at teacher training.


Noong nakaraang linggo, binigyang-diin ng inyong lingkod na kabilang sa mga prayoridad natin para sa edukasyon ang pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program, ang pagpapalawak ng School-Based Feeding Program, at ang pagtiyak na may sapat na textbooks ang ating mga mag-aaral. 


Ngunit, marami pang mga programa ang binigyan natin ng dagdag na pondo. Halimbawa nito, ang dagdag na pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.


Nagdagdag ang Senado ng P19.3 bilyon sa P48.7 bilyong inilaan ng Mababang Kapulungan para sa pagpapatayo ng mga karagdagang classroom. Halos P68 bilyon na ang pondo upang mapunan natin ang kakulangan sa mga classroom na umabot na sa 147,000 nitong Hulyo. 


Naglaan din tayo ng karagdagang pondo para sa paghahatid ng mga programa at serbisyo para sa Early Childhood Care and Development (ECCD). Naglaan tayo ng P2.468 bilyon mula sa Local Government Support Fund upang tulungan ang mga fourth- at fifth-class municipalities na gawing child development centers (CDC) ang mga kasalukuyang daycare centers.


Itinutulak din natin sa ilalim ng 2026 national budget ang paglikha ng 4,622 plantilla positions para sa mga child development workers na may sahod na katumbas ng hindi bababa sa Salary Grade 8.


Para naman sa ating mga State Universities and Colleges (SUCs), nagdagdag tayo ng P8 bilyon upang palawakin ang kanilang kakayahang tumanggap ng mga mag-aaral. Kung babalikan natin ang ating pagdinig sa panukalang pondo ng ating mga SUCs, lumalabas na humigit-kumulang 168,000 ang napagkaitan ng pagkakataong mag-enroll dahil sa kakulangan ng slot sa ating mga pampublikong pamantasan at kolehiyo. Kung mapapalawig natin ang absorptive capacity ng SUCs, mas marami tayong matutulungang mga kabataan na naghahangad ng dekalidad na edukasyon.


Marami pang mga programang dinagdagan natin ng pondo para sa susunod na taon at tatalakayin natin ang mga ito sa mga susunod na araw. Patuloy nating tutukan ang mga talakayang ito upang lalo pa nating maunawaan ang mga prayoridad na programa ng ating pamahalaan.



May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page