top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Mas malaking ayuda para sa mga may cancer, pag-aralan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 6, 2023
  • 2 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | October 06, 2023


Nalaman natin noong Setyembre 28 sa pagdinig ng Senate finance subcommittee sa pangunguna ni Sen. Pia Cayetano na nakabayad na ng malaking halaga ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa pagkakautang nito sa mga pribadong pagamutan sa bansa.


Inanunsyo ni PhilHealth President and Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma Jr. sa nasabing pagdinig ang tungkol sa panukalang P311.3 bilyon budget ng Department of Health na nasa 73 porsyento o P19.7 bilyon na ng P27 bilyong utang sa mga pribadong ospital ang nabayaran na ng ahensya.


Umaasa tayong magtutuluy-tuloy na ito hanggang sa mabayaran nang buo ng PhilHealth ang lahat nitong obligasyon sa mga pagamutan para may maipantustos at makapagbigay sila ng maayos na serbisyong medikal sa ating mga maysakit.


Matatandaang nangako si Ledesma sa Kamara de Representantes noong Setyembre 6 na sa loob ng 90 araw ay mababayaran ng PhilHealth ang malaking parte, kung hindi man lahat, ng pagkakautang nito sa mga pribadong ospital.


Ang biglaang malaking progreso sa pagbabayad ng ahensya sa loob lamang ng 22 days mula Setyembre 6 hanggang Setyembre 28 ay pag-alis ng tinik at pagdaloy ng hininga para sa mga nasabing pagamutan.


Tumupad si Ledesma sa kanyang binitawang salita, at ang mga maysakit ang ultimong makikinabang.


Samantala, ang hinihinging subsidiya ng PhilHealth mula sa Kongreso para sa 2024 ay P101.5 bilyon. Base ito sa inaasahang kabuuang kita ng ahensya sa 2024 na P167.06 bilyon habang may inaasahan namang gastusin na nasa P268.57 bilyon, na binubuo naman ng gastos para sa benepisyo na nasa P252 bilyon at gastos sa operasyon o “operating expenses” na nasa P16 bilyon.


Hindi tuloy napigilan ni Sen. Pia na ibulalas, “First time na walang hinihinging dagdag pa ang PhilHealth. Sa mga nakaraang taong hinawakan ko ang subkomiteng ito, lagi silang humihingi (ng dagdag na subsidiya) na nasa bilyun-bilyon, at alam iyan ni Sen. JV (Ejercito).”


Kakayanin naman pala!


Umaasa rin tayong bago matapos ang taon, magiging mas mataas na ang case rates para sa tatlong nangungunang mga sakit na huling in-adjust isang dekada na ang nakaraan. Una, para sa kaso ng severe pneumonia, mula sa kasalukuyang P32,000 ay magiging P90,000. Ang pneumonia ang dahilan ng pagpanaw ng aking ina noong 2019 bago magpandemya at sa daan-daang libo niyang bill sa ospital, napakaliit ng nabawas dito.


Para naman sa kaso ng “acute hemorrhagic stroke”, mula P38,000 ay magiging P80,000 na ang benepisyo mula sa PhilHealth. At para naman sa “acute ischemic stroke”, mula P28,000 ay magiging P76,000. Ang susunod na ikalawang tranche kung saan maa-adjust ang case rates ng dengue, bronchial asthma at cataract ay inaasahan nating maisasakatuparan sa unang kuwarter ng 2024. Umaasa tayo na pag-aaralan rin nang husto ng ahensya ang nararapat na benepisyo para sa tinatawag na “catastrophic cases” tulad ng kanser na nangangailangan ng mas malaking ayuda.


Gayundin, sa inaasahang pagpapatupad ng “diagnosis-related group” o DRG mula sa kasalukuyang limitadong case rates, umaasa tayong mas mararamdaman ng mga mamamayan ang pagkakaroon ng state health insurance sa panahong kanilang pinakakailangan. Hindi na dapat mamalimos ng tulong ang mga maysakit o pabayaan at tiisin ang kanilang mga nararamdaman.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 Comment


joseoliveros1947
Oct 06, 2023

Dapat lamang na papurihan at pasalamatan si Philhealth President/CEO Emmanuel Ledesma, Jr. sapagka't pinandigan at tinupad niya ang binitiwan niyang salita sa Kamara de Representates na unti-unting mababayaran ang utang ng Philhealth sa mga pribadong ospital. Matutuwa rito hindi lamang ang mga may-ari ng mga pribadong ospital na nalulugi na dahilan sa lakai ng utang sa kanila ng Philhealth. Ganoon din ang mga pasyente kasi hindi na rin sila tatanggihang tanggapin ng mga oospital dahian sa l alam ng mga ospital mababayaran sila ng Philhealth. Bukod dito, kauna-unahang pagkakataon - ayon nga kay Sen. Pia Cayetano na hindi humingi ng dagdag na budgetary allocation ang Philhealth. Para naman sa mga Philhealth package nila, sana dagdagan ang para sa dialysis…

Edited
Like

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page