Mas mahigpit na GCQ sa NCR, tiis-tiis muna
- BULGAR
- Jun 30, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | June 30, 2021
Malabo pang ilagay sa modified general community quarantine (MGCQ) ang National Capital Region (NCR).
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos panatilihin ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa general community quarantine (GCQ) “with some restrictions” ang NCQ, Rizal at Bulacan hanggang Hulyo 15, habang ang Laguna at Cavite ay GCQ “with heightened restrictions”.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, bagama’t hindi niya pinangungunahan ang mapagkakasunduan ng IATF, sa tingin nito ay mananatili pa rin sa GCQ ang Metro Manila sa pagpasok ng Hulyo. At kahit ilagay muli sa GCQ an NCR, may tsansa naman na maging “regular GCQ” ito.
Samantala, hindi pa rin papayagang lumabas ang mga kabataan at senior citizens hangga’t wala silang bakuna upang mapanatiling ligtas laban sa COVID-19.
Kung publiko ang tatanungin, marami sa kanila ang dedma na lang sa desisyon ng IATF dahil anila, tila wala namang ipinagkaiba kung mahigpit o hindi ang quarantine restrictions.
Ito ay dahil napakarami pa ring pasaway, kabilang ang mga lumalabag sa pagsusuot ng facemask at face shield, dikit-dikit na mga pasahero sa pampublikong sasakyan at marami pang iba. Imbes na ‘new normal’, parang ‘back to normal’ ang eksena.
Ang ilan nating kababayan, naniniwalang dapat nang tanggalin ang quarantine restrictions dahil marami na umanong nakapagpabakuna at nais pang magpabakuna. Isa pa, umuusad na umano ang ekonomiya.
Para sa iba naman, dapat ipagpatuloy ang paghihigpit ng quarantine restrictions kung patuloy ang pagkalat ng virus.
Sa totoo lang, may punto ang iba’t ibang opinyon ng taumbayan, pero ang tanong, hanggang kailan tayo nasa ganitong sitwasyon?
Panawagan sa mga kinauukulan, patuloy na pag-aralan ang ating sitwasyon at pakinggan ang opinyon ng ating mamamayan.
Samantala, paalala sa publiko, patuloy na sumunod sa health protocols at iwasang magpasaway. ‘Wag na tayong dumagdag sa ilan nating kababayan na sakit sa ulo.
Iisa lang naman ang ating gusto — ang matuldukan ang pandemyang ito. Kaya pakiusap sa lahat, tiis-tiis muna dahil ang lahat ng hakbang na ito ay para sa ikabubuti nating lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments