Mas magaan na proseso sa pagpapa-2nd booster
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 27, 2022
Kabi-kabila na naman ang pagpahayag ng pag-aalala ng mga eksperto kabilang ang pamahalaan hinggil sa posibleng pagsirit na naman ng kaso ng COVID-19 sa bansa dahil sa pagbalik natin sa normal.
Ito ay dahil sa may mga lugar na nakararanas na ng bahagyang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngunit nananatiling nasa mababang alert level pa naman at wala pang indikasyon na maaari na itong sumirit maliban na lang kung magkakatotoo ang babala ng mga eksperto.
Maging ang Department of Health (DOH) ay hindi na magkamayaw sa paglalabas ng babala na tila hindi na rin pinapansin ng ating mga kababayan kahit tukoy na ang bagong COVID-19 Omicron XE na umano’y sampung beses na mas malakas na nakahahawa kumpara sa mga naunang variants.
Wala pa namang patunay na nakapasok na sa bansa ang bagong COVID-19 Omicron XE ngunit ang mga panawagan ay epekto ng nagdaang aktibidades ng mga pulitiko sa China noong nakaraang Marso na dahil sa sunud-sunod na mga pagtitipon ay muli silang nakaranas ng mga lockdown sa kanilang lugar.
Nasundan pa ito ng ilang kalapit na bansa na hanggang sa kasalukuyan ay nasa malala pa ring sitwasyon dahil nga sa pinasok na sila nitong bagong COVID-19 Omicron XE at may mga ulat na karaniwang grabeng nahahawa ay ‘yung mga hindi pa nagpapaturok ng bakuna.
Kaya hindi natin masisisi ang mga kinauukulan dahil nais lang naman nating maiwasan ang nangyari sa China kung saan isang buwan nang halos na full lockdown ang Shanghai at ilan pang lugar doon. Isa sa paraan ay ang pagsisikap na paigtingin pa ang pagtuturok ng bakuna at anumang oras ay sisimulan na rin ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang pagtuturok ng second booster shot.
Nakahanda na umano ang National Vaccination Operations Center (NVOC) para isagawa ang pagtuturok ng second booster shot at hinihintay na lamang ang opisyal na rekomendasyon ng HTAC kung kailan dapat magsimula.
Ngunit ang DOH ay pinasimulan noong nakaraang Lunes ang pagtuturok ng second booster shot para muna sa mga indibidwal na immunocompromised gaya ng mga sumailalim sa organ transplant, may cancer, HIV-AIDS patients, mga nagda-dialysis at mga taong mayroong problema sa kanilang immune system.
Kumbaga hindi pa kasama sa unang matuturukan ng second booster ang mga healthcare workers, mga senior citizen, mga indibwal na may iba pang karamdaman at iba pang may kahalintulad na sitwasyon ngunit hindi maglilipas-araw ay isusunod na rin sila.
Para umano makapagpaturok ng second booster ay kailangang dalhin ang mga naunang vaccine card na katunayang nakumpleto ang dalawang COVID-19 primary series kabilang na rin ang unang booster shot card para mas mapabilis ang pagbabakuna.
Kaya lang tila nagdagdag ng kaunting pagbabago ang tagapagasalita ng vaccine expert panel para sa immunocompromised persons o mga kababayan nating mula sa A3 population na kailangang magdala o magpakita ng medical certificate na pinapayagan silang tumanggap ng second booster shot.
Ang kautusang ito ay galing mismo sa pahayag ng Vaccine Expert Panel (VEP) at dahil mga eksperto ang mga ito ay tila wala namang magagawa ang ating mga kababayan kundi ang sumunod sa inilalabas nilang panuntunan.
Pero dapat linawin ng VEP kung may itatalaga ba silang doktor sa mga vaccination sites na siyang mag-aapruba sa mga nais magpaturok ng second booster shot o kailangan pang magtungo ng mga immunocompromised persons sa kani-kanilang mga doktor para dito.
Kung ang isang nais magpaturok ng second booster shot ay magpapatingin sa pampublikong pagamutan para makakuha ng medical certificate ay wala namang gastos, maliban sa abala, pamasahe at dagdag-pahirap sa mga may edad na.
Pero kung sa pribadong pagamutan ay tiyak na kailangan pang magbayad para makakuha ng medical certificate, bukod pa sa abala, gastos sa pamasahe at problema kung wala pang makakasama ang isang mahina nang senior citizen.
Mahigpit ang utos ng VEP dahil kahit umano may dalang kumpletong vaccination card kabilang na ang first booster shot card ay hindi tuturukan ng bakuna ang isang immunocompromised persons kung walang maipakikitang medical certificate.
Hindi lang sila naghigpit sa brand ng bakuna na maaaring iturok para sa second booster shot dahil kahit ano umano ay maaaring iturok na second booster ngunit mas mabuti umano kung parehong brand ng first at second booster shot.
Pinatotohanan ng VEP na mas pinapaboran umano nila ang magkaparehong brand ng ituturok na booster shot dahil may pag-aaral umano na ang heterologous booster ay nagbibigay ng mas malakas na proteksyon na higit na kailangan ng ating mga kababayan.
Sa panahong ito na tila tumamlay na ang pagbabakuna at nasa gitna tayo ng nagbabadyang pagkasayang ng may 27 milyong vaccine doses na mapapaso na sa Hulyo ay dapat na mas pabilisin pa sana ang proseso sa pagbabakuna lalo na ang pagbibigay sa second booster shot.
Hindi ko sinasabing mali na magsumite pa ng medical certificate ang mga immunocompromised persons pero dapat nating pagaanin ang sitwasyon dahil nasa panahon tayo na malaki na ang ibinaba ng nagpapaturok ng booster shot.
Dapat naisip ng VEP na kaya nga nagbabahay-bahay na ang ating mga healthworker para maturukan ng bakuna ‘yung mga kababayan nating may iba’t ibang dahilan kaya hindi pa natuturukan ng bakuna.
Ang pagsusumite ng medical certificate ay isang malaking balakid para lalo pang mabawasan ang mga kababayan nating may iba pang karamdaman na mag-aksaya pa ng panahon para dito maliban na lamang sa mga taong matindi ang pananalig sa bisa ng second booster shot.
Inuulit ko, hindi ko sinasabing mali ang pagsusumite ng medical certificate, ang sinasabi ko lang ay dapat na isipin nating mabuti kung paano pa mas mapagagaan ang sitwasyon para makumbinsing magpabakuna na ang marami pa nating kababayan.
Baka mamaya and'yan na ang bagong COVID-19 Omicron XE, na huwag naman sana, pero hindi pa tayo nakakarami sa nabibigyan ng second booster shot.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments