top of page

Mas mabilis na rescue, relief, recovery programs at rehab, tiyakin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | November 10, 2025



Boses by Ryan Sison


Tuwing dumaraan ang bagyo sa bansa, hindi lang mga bahay ang nasisira, pati pag-asa, pangarap, kabuhayan ng mga Pilipino, at maging ang pagkawala ng mahal natin sa buhay. 


Ngayon, sa dinanas nating hagupit ng Bagyong Tino na nag-iwan ng higit 180 patay at malawakang pinsala sa Visayas, Mindanao, at ilang bahagi ng Luzon, muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang katotohanang kailangan nating kumilos bilang isang bansa. Kaya’t sa ilalim ng Proclamation No. 1077, idineklara niya ang state of national calamity sa loob ng isang taon, magandang hakbang ito para sa mas mabilis, maayos, at sabayang pagbangon ng sambayanang Pinoy. 


Hindi simpleng desisyon ang magdeklara ng state of national calamity. Ibig sabihin nito, nasa yugto na tayo ng krisis na kailangang pagtulungan ng lahat, mula sa gobyerno hanggang sa mga pribadong sektor at mamamayan. Ayon sa proklamasyon, layunin nitong mas mapabilis ang rescue, relief, recovery, at rehabilitation programs sa mga lugar na sinalanta ni “Tino”, at sa mga lugar na maaaring tamaan din ng Bagyong Uwan. 


Kabilang sa mga hakbang ang pagpapatupad ng price freeze sa mga pangunahing bilihin, pagbibigay ng zero-interest loans sa mga pinakasinalanta ng kalamidad, at paghihigpit laban sa profiteering at hoarding. Pinahihintulutan din nito ang paggamit ng national o pambansa at lokal na pondo para sa agarang pagresponde, pagrekober, at paghatid ng serbisyo sa mga naapektuhang pamilya. 


Kaugnay nito, naglabas ang Office of the President ng P760 milyong tulong pinansyal sa mga apektadong lalawigan — mula P50 milyon sa Cebu, Capiz, Iloilo, Bohol, at iba pa, hanggang P5 milyon sa mas maliliit na probinsya gaya ng Albay, Quezon, at Zamboanga del Norte. 


Siniguro rin ng Pangulo na patuloy ang relief at rescue operations, habang naghahanda naman ang gobyerno sa panibagong banta ni “Uwan”. 


Sa kabila ng mga hakbang na ito, hindi maikakaila na ang isang taon na state of national calamity ay hindi lang panawagan sa gobyerno, kundi sa buong bansa. Ipinapakita nito na nasa kritikal tayong yugto kung saan kailangang manatiling matatag ang bawat Pinoy — mula sa mga frontliner, LGU, hanggang sa ordinaryong mamamayang marunong magmalasakit. 


Kung minsan, tila nakakasanayan na lang natin ang salitang kalamidad. Pero sa totoo lang, tuwing dumaraan tayo rito ay paalala ito ng ating kahinaan bilang bansa, at ng pagkakataong patunayan muli ang ating lakas sa pagkakaisa. 

Gayunman, sa gitna ng trahedya, mas nakikita pa rin ang tunay na diwa ng bayanihan sa atin. 


Isang taon ang ibinigay para sa ating recovery upang makabawi at makabalik sa normal na pamumuhay. Pero sana, hindi ito matapos sa panahon lang ng emergency. Dahil ang tunay na pagbangon ay ‘yung natututo tayo sa bawat unos, natatayo natin ang mas matatag na komunidad, at higit sa lahat lumalaban nang may pag-asa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page