Mas mabigat na parusa sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno
- BULGAR

- Nov 7
- 2 min read
Updated: Nov 8
ni Leonida Sison @Boses | November 7, 2025

Sa rami ng mga isyu sa ating bansa patungkol sa mga “ghost projects” at “kickback” heto na naman ang isang bagong kabanata ng katiwalian na tila hindi na natututo.
Kamakailan, nagsampa ng kasong kriminal ang Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa tatlong dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan, na umano’y kasapi ng “BGC Boys” o Bulacan Group of Contractors, dahil sa tinatayang P1.6 bilyong undeclared income at tax deficiencies mula 2020 hanggang 2024.
Kinilala ng BIR sina dating District Engineer Henry Alcantara, dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, at dating Construction Section Chief Jaypee Mendoza bilang mga akusado.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., lumabas sa lifestyle check na lampas-lampas ang kanilang luho — mga sasakyang luxury, mamahaling ari-arian, at casino transactions na labis sa kanilang legal na kita. Hindi umano nagmula sa simpleng overtime pay o bonus ang kanilang kayamanan, kundi sa mga “proponents’ shares” o kickbacks mula sa mga ghost flood control projects, na kalauna’y nilinis umano sa pamamagitan ng casino gambling.
Sa tulong ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Anti-Money Laundering Council (AMLC), Land Registration Authority (LRA), at Land Transportation Office (LTO), napatunayan ng BIR na labis ang kanilang cash exchanges at mga property acquisition kumpara sa mga idineklara sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) at income tax returns.
Mahaharap ang tatlo sa kasong tax evasion, willful failure to file, at willful failure to supply correct and accurate information, mga krimeng matagal nang sumisira sa kredibilidad ng mga lingkod-bayan.
Sa katunayan, ito na umano ang ikalawang batch ng criminal cases na may kaugnayan sa anomalya sa flood control projects, kung saan umabot na sa P8.86 bilyon ang kabuuang tax liability ng mga sangkot.
Ang kaso ng “BGC Boys” ay hindi lang simpleng isyu ng buwis. Dahil habang maraming Pinoy ang nagbabayad ng tamang buwis mula sa pawis ng araw-araw na pagtatrabaho, may mga opisyal na ginagawang pang pusta lamang ang kaban ng bayan sa mga casino at pambili ng kanilang mga luho. Kung tunay na gustong ipakita ng gobyerno ang laban kontra-katiwalian, dapat magsilbing simula ito ng mas malalim na imbestigasyon sa mga anomalya na siyang nagpapahirap sa taumbayan.
Hindi lang sapat na mabisto at malaman ang mga tao sa likod nito, kailangang may maparusahan at mapanagot.
Ang yaman ng bayan ay hindi dapat umiikot sa mesa ng sugal at luho ng iilan, kundi dapat napapakinabangan ng bawat mamamayan, para sa ikauunlad ng ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments