Mas mabigat na parusa sa mga lasing at sabog na drayber, dapat lang!
ni Ryan Sison - @Boses | March 19, 2021
Ang pagmamaneho ay hindi lamang prebilehiyo dahil ito ay may kaakibat na responsibilidad.
Dapat alam ng drayber ang mga umiiral na batas-trapiko, gayundin ay kailangang magkaroon ng mahabang pasensiya ‘pag nasa kalsada para iwas-away at init ng ulo.
Isa pa, hindi dapat dedmahin ang paulit-ulit na paalalang ‘wag magmaneho nang lasing o nasa impluwensiya ng droga dahil takaw-aksidente at ilegal ito.
Bagama’t matagal na itong ipinagbabawal sa bansa, may mga pagkakataon talagang ayaw paawat ng ilan nating kababayan, kaya ang ending, sa halip na makauwi nang ligtas ay naaaksidente at minsan ay nagiging sanhi pa ng kamatayan.
Kaugnay nito, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang amyenda sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2012.
Kapag naging ganap na batas, kung ang pagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak o droga ay hindi magreresulta ng physical injury, ang suspek ay mahaharap sa anim na buwang pagkakakulong at multang P50, 000 hanggang P100,000.
Samantala, kapag ito naman ay nagresulta ng physical injury, ang lumabag ay mahaharap sa maximum period o multang P150, 000 hanggang P250, 000, at kung ito ay magreresulta sa homicide o pagkamatay ng biktima, mahaharap din ang suspek sa maximum period ng pagkakabilanggo at multang P250, 000 hanggang P550, 000. Gayundin, kukumpiskahin ang lisensiya ng mga ito at posibleng hindi na mabigyan pa ng lisensiya sa pagmamaneho.
Dapat lang na bigatan pa ang parusa sa mga pasaway na tsuper dahil kung tutuusin, napakarami nang buhay ang nawala dahil sa kapabayaan ng iba at kung magpapatuloy ito, mas maraming buhay ang malalagay sa panganib.
Habang hindi pa nagiging batas, sana’y magsilbi itong paalala at babala sa bawat isa na maging responsable tayong drayber. Pero kung patuloy kayong magpapabaya at wa’ paki sa kaligtasan ng inyong sarili at mga kasabayan sa kalsada, pasensiyahan na lang.
‘Ika nga, may naghihintay sa ating pag-uwi kaya utang na loob, magmaneho nang nasa kondisyon ang katawan para makauwi nang ligtas.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments