top of page
Search
  • BULGAR

Mas lalong mahihirapan ang mga estudyante sa academic break

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | April 20, 2021



Bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, hindi tayo sang-ayon sa panukala ng ilan na mag-nationwide academic break dahil sa sinasabing hirap na nararanasan ng maraming mag-aaral sa distance learning. Kung mangyari ang academic break, ang ating mga mag-aaral na galing sa mahihirap na pamilya ang labis na maaapektuhan kung lalong maantala ang kanilang edukasyon.


Talaga namang nakababahala na maaari pang lumala ang mga epektong dulot ng matagal na pagsasara ng mga paaralan, tulad na lang ng kawalan ng pagkakapantay-pantay, mas mataas na panganib ng karahasan sa kabataan at maging ang pag-urong ng kaalaman. Sa basic education, isang taon nang hindi nagpupunta sa mga eskuwelahan ang mga bata at kapag patuloy silang bibigyan ng break at hindi sila mag-aaral, paniguradong makakalimutan na nila ang kanilang mga pinag-aralan.


Iba-iba kasi ang quarantine qualification at may mga lugar na walang lockdown. Mahirap naman kung magpatupad ng academic break sa lugar na walang kaso ng COVID-19. Kaya hindi maaari itong academic break para sa pangkalahatan dahil magkakaiba ang sitwasyon.


Sa Isabela, sinuspinde muna ng Department of Education (DepEd) ang pagpapamahagi ng self-learning modules at face-to-face activities dahil sa pagkamatay ng limang DepEd personnel na nagka-COVID-19. Pero inaasahan namang ipagpapatuloy ng mga guro ang remote na pag-follow up at pag-monitor sa mga mag-aaral.


Ang mga paaralan sa parehong basic at higher education ang dapat magpasya kung kailangang magpatupad o hindi ng academic break. Ngayon at niluwagan na ang quarantine status sa NCR Plus at inilagay na ito sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang sa katapusan ng buwan, nais nating bigyang-diin na karamihan ng mga lugar sa Pilipinas ay nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) at modified general community quarantine (MGCQ) kung saan maaari pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral at pagtuturo.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page