top of page
Search
  • BULGAR

Mas gustong umarte na lang… VILMA, ATRAS MAGING HEAD NG FAP AT FDCP

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | March 18, 2024



Sa kick-off ceremony ng Barako Festival 2024 na ginanap sa Lipa City, Batangas kung saan si dating Congresswoman Vilma Santos-Recto ang special guest kasama ang anak na si Ryan Christian Santos-Recto ay natanong ang una kung may plano siyang bumalik sa gobyerno.


Ang kaibigan niyang si Tirso Cruz III ay nag-resign bilang hepe ng Film Development Council of the Philippines o FDCP at kung ialok ito kay Ate Vi ay tatanggapin ba niya since malaki ang naging kontribusyon niya sa movie industry? 


Mabilis na sagot ng aktres, “Modesty aside, they were asking me to lead the Film Academy of the Philippines. And then na-mention mo na rin ang FDCP, wala na rin si Pipo. Pero kasi, when it comes to showbiz, isa na akong private citizen.


“After my movie When I Met You in Tokyo, ang naging advocacy ko ngayon is maibalik ang mga tao sa sinehan. Namatay ‘yun, eh, lalo na nag-pandemic. Namatay ang mga sine talaga. So ‘yun ang naging advocacy namin noong ginawa namin ang When I Met You In Tokyo, maibalik lang ang mga tao sa sinehan.”Dagdag pa niya, “Hindi ko man tinanggap ‘yung maging director general ng Film Academy, nandito ako para sumuporta sa kanila.


Tawagan lang ako, all the time, nakasuporta ako.”


Natanong din kung ano’ng next movie project ni Ate Vi pagkatapos ng When I Met You In Tokyo kung saan nanalo siyang Best Actress sa 49th Metro Manila Film Festival.


“‘Yung mga movies naman, ang dami kong script sa bahay ngayon. May mga offers pero hindi ko naman kayang gawin lahat. I’m taking my time.“Gagawa na lang ako ng pelikula, ‘yung gusto ko a movie that will challenge me again. Pero kung magiging katulad lang ng dati, hindi na muna.


“Kasi 35 years old na ako,” biro ng aktres. “Gusto ko naman kahit paano ay makapag-enjoy sa sarili, my family, my apo. So, time management lang. Hindi ako nagmamadali,” paliwanag ng dating mayor, governor at congresswoman ng Batangas.


At sa mga hindi nakakaalam, ang mag-asawang Ate Vi at Secretary Ralph Recto ang nagsimula ng Barako Festival sa Lipa City na inorganisa naman ni John Bryan Diamante of Mentorque Productions na siya ring producer ng Mallari ni Piolo Pascual sa nakaraang 2023 Metro Manila Film Festival. 


Bilang coffee capital ng Pilipinas ang Lipa City ay natanong si Ate Vi kung puwedeng gumawa ng pelikula sa Batangas ang location bilang promo na rin.


“Siguro later on, given a chance, that’s why even the fest na meron kami, Barako ‘yung ipinangalan. Given a chance, step by step. Tingnan natin kung even the coffee industry, kaya nating ipagmalaki pa through social media or maybe even in the movies,” say ni Ms Vilma.


Tatlong araw ginanap ang Barako Festival na nagsimula nitong Marso 14, 15, at 16 kung saan dinagsa ito ng mahigit 200,000 visitors mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Batangas at sa mga karatig lugar.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page