Marunong pa ba tayong pumili?
- BULGAR

- Jan 26, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | January 26, 2021
Katatapos pa lang ng inagurasyon ni Joe Biden bilang ika-46 na Pangulo ng Estados Unidos. Magulo at madugo ang bunga ng nakaraang halalan sa Estados Unidos. Dahil dito, magandang tingnan at pag-isipan ang napakahalagang katanungan: Marunong pa ba tayong pumili?
Sa ebanghelyo noong Biyernes, narinig natin ang pagpili ng Panginoon sa kanyang 12 alagad. (Marco 3:13-19) Paano kaya pumili ng mga kasama ang Panginoon? Ano kaya ang kanyang mga pamantayan sa pagpili ng mga kasama — talino? Pangalan? Kayamanan? Posisyon? Taas? Kagandahan o kakayahan?
Unang-una, lahat ng pinili ng Panginoong Hesus na magiging kasama niya ay mga mangingisda. Marahil, merong iba’t ibang uri ng mangingisda. Merong mahusay at ordinaryo. Merong batikan, matagal nang nangingisda at meron ding baguhan.
Subalit, hindi pangingisda ang kanilang magiging misyon kundi ang “pangingisda ng tao.” (Mateo 4:19) Alam nating hindi maaaring ihabing ang pangingisda, ang paghuli ng isda sa “pangingisda” ng tao. Malaki ang pagkakaiba ng isda sa tao. At alam din natin ang misyon ng Panginoon. Ipinadala siyang ipahayag ang mabuting balita sa lahat upang maligtas sa kasalanan upang tanggapin ang buhay na walang hanggang.
Dahil dito banal ang pagpili ng Panginoon. Dahil sa Diyos at Ama at para sa Diyos Ama ang pagpili niya ng kanyang makakasama. Subalit hindi lang sa pagpili ng kanyang kasama makikita ang kabanalan ng Panginoon. Banal ang kanyang buong buhay kaya’t ang bawat ginagawa Niya ay maingat, pinag-isipan at pinagdasalan — sa madaling salita ay banal.
Sa katatapos pa lamang na halalan sa Estados Unidos, nanganib ang mismong pagdeklara sa nanalo hanggang sa pagtatalaga rito. Sa mismong pagdeklara ng Senado sa nanalo noong ika-6 ng Enero 2021, nilusob ng mga kakampi ni Trump ang Senado bunga na rin ng kanyang pag-uudyok sa mga ito.
Noong Miyerkules, ika-20 ng Enero 2021, sa ganap na alas-12:30 ng umaga, ika-21 ng Enero 2021 sa Pilipinas, nanumpa na ang bagong Pangulo at Bise-Presidente ng Estados Unidos.
Nagpuyat tayo noong gabing ‘yun upang panoorin ang matinding yugto sa kasaysayan ng demokrasya kung saan ipinanganak ito.
Wala tayong masabi tungkol sa buong inagurasyon ng bagong Pangulo at Bise-Presidente ng Estados Unidos kundi banal, punong-puno ng kabanalan ang mga kaganapan noong mga sandaling ‘yun.
Maingat, inisip, pinaghandaan, pinagtiyagaan at pinagdasalan — oo, piling-pili ang lahat noong araw na ‘yun. Piling-pili ang mga salita. Ganundin ang mga sangkap ng programa mula sa Emcee hanggang sa kumanta sa Pambansang Awit; sa tumula; sa kumanta ng mga paboritong awitin ng mga Amerikano. Piling-pili ang mga salita ng bagong Pangulo.
Magandang pag-isipan, pag-aralan, dasalan at pagkunan ng malalim at praktikal ng leksiyon ang mga nangyari sa Estados Unidos sa nakaraang apat na taon.
Meron kaya tayong matututunan? Matutunan kaya natin muli ang tama at banal na pagpili?





Comments