Marinero, sisikaping tumabla sa EcoOil sa Finals Game 2
ni Anthony E. Servinio @Sports | June 26, 2023

Mga laro ngayong Lunes – Ynares Sports Arena
3:00 PM Marinerong Pilipino vs. EcoOil
Hindi nangyari ang inaasahang mahigpitang Game One ng 2023 PBA D-League Aspirants Cup Finals subalit asahan na isang mas handang Marinero Pilipino ay gagawin ang lahat upang itabla ang seryeng best-of-three kontra defending champion EcoOil ngayong Lunes sa Ynares Sports Arena ng Pasig City simula 3:00 ng hapon. Para sa EcoOil, gusto na nila manigurado at ulitin ang 108-82 resulta at iuwi na ang ikalawang sunod na tropeo.
Ibang klaseng bangis sa opensa ang ipinapamalas ng EcoOil ngayong playoffs at laging mahigit 100 puntos ang kanilang ginagawa sa dalawang laro sa semifinals laban sa University of Perpetual Help System Dalta at noong Game One sa Marinero. Kailangan makaisip ang Skippers kung paano lilimatahan ang mga shooter ng EcoOil kung nais pa nila maglaro ng Game 3 sa Huwebes sa parehong palaruan at oras.
Tanging sina Kevin Quiambao (16.3) at Mark Nonoy ang gumagawa ng 10 o higit para sa EcoOil pero kung susuriin ay balansiyado ang kanilang atake at kahit sino ay puwedeng pumutok kung kailan nila gusto. Maliban sa nabanggit na dalawa, mayroon silang pitong kakampi na may kontribusyon na pito o higit pang puntos at ang koponan ay may average na 100.2 sa siyam na laro.
Ang basketball ay paramihan pa rin ng shoot kaya dapat gumana ang mga kamay nina Jacob Cortez (17.2), Yukien Andrada (11.8) at James Payosing (11.0). Ang iba sa Skippers ay wala na masyadong opensa ang dumadating at sina Clifford Jopia (8.6), Peter Alfaro (8.5) at Damie Cuntapay ang nasa posisyon na maaasahan na mag-ambag ng kinakailangang opensa.
Determinado ang Skippers na wakasan ang sunod-sunod na pagkabitin ang magkaroon na ang prangkisa ng unang kampeonato. Bago ang laro ay pararangalan ang Most Valuable Player ng Aspirants Cup. Ilan sa mga kandidato ay nabanggit na subalit walang nangungunang paborito.





Comments