Marcial pinatumba si Villalba sa 2nd round
ni Gerard Arce @Sports | February 13, 2023

Mabilis na dinispatsa sa impresibong panalo ni 2020+1 Tokyo Olympics bronze medalists Eumir Felix Marcial ang katunggaling Argentinian Ricardo Villalba sa bisa ng 2nd round stoppage ng kanilang eight-round middleweight bout kahapon sa Alamodome sa San Antonio, Texas sa U.S.
Dalawang beses pinatumba ng 27-anyos na southpaw ang Argentinian boxer patungo sa ika-apat na sunod na panalo upang manataling undefeated sa men’s middleweight contest kasama ang ikalawang knockout victory sa 48 segundo.
Unang beses pinadapa ng three-time Southeast Asian Games gold medalist si Villalba sa nalalabing 23 segundos sa opening round kasunod ng malulupit na kaliwamg suntok sa katawan kaantabay ang malulutong na jabs, kung saan nagawa pang makaligtas mula sa walong segundong pagbilang ni referee Mark Calo.
Ipinarada si Marcial ng kanyang promoter na MP Promotions ni eight-division World titlist Manny “Pacman” Pacquiao at presidente at kilalang international matchmaker na si Sean Gibbons, umakyat ng ring na may impresibong lakas at puwersa na lubos na nakilala sa amateur level kasunod ng tagumpay sa Summer Olympic Games at Olympic qualifying tournament.
Sunod-sunod na patama ang binitawan ni Marcial kasama ang magkasunod na jabs, left at right hook na nagpabagsak muli kay Villalba, subalit sa pagkakataong ito ay pinigil na ni Calo ang laban tungo sa panibagong panalo kay Marcial.
Nalasap naman ni Villalba ang kanyang ika-apat na sunod na pagkabigo para bumagsak ang rekord nito sa 20-8-1 sa professional bout, habang matagumpay na nakakuha ng panalo sa tatlong professional fights si Marcial mula kina American Andrew Whitfield na nagtapos sa 4th round sa unanimous decision at sinundan pa ng mga panalo kina Isiah Hart via fourth round TKO at Steven Pichardo sa 6th round decision.





Comments