Maranon, out na sa UCFC -PFL lilipat na sa Malaysia Team
ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 08, 2022

Ibang uniporme ang susuotin at hindi na maglalaro si Bienvenido Maranon sa United City FC ng Philippines Football League (PFL) ngayong taon. Pormal na pinakawalan ng koponan ang matinik na forward matapos ang dalawang taon kung saan kasama siyang gumawa ng kasaysayan at nag-ani ng maraming karangalan.
Wala pang tiyak na lilipatan si Maranon subalit malakas ang usapan na patungo na siya sa Johor Darul Ta’zim, ang kampeon ng 2021 Malaysian Super League. Gaya ng United City, nakatakdang lumahok ang JDT sa 2022 AFC Champions League sa Abril.
Ang pagkawala ni Maranon ay malaking dagok sa United City at malaking bagay siya sa goal. Si Maranon ay kagagaling lang sa unang torneo bilang bahagi ng Azkals at nakagawa ng apat na goal upang makibahagi siya sa Golden Boot award sa 2020 AFF Suzuki Cup at siya rin ang may pinakamaraming goal sa kasaysayan ng AFC Cup.
Naging ganap na mamayanang Filipino si Maranon noong Hulyo. Agad siyang nagpasalamat sa pamunuan ng United City at ng Ceres Negros, ang koponan na unang nagdala sa kanya sa Pilipinas 7 taon na ang nakalipas.
Maliban kay Maranon, halos sabay lumipat na rin sa PT Prachuap ng Thai League One si Amin Nazari. Matapos ang kampanya sa 2021 AFC Champions League ay umalis sina Jai Ingham at bumalik sa Australia at Miggy Clarino sa Mendiola 1991 FC para sa 2021 Copa Paulino Alcantara.
Hindi riyan nagtatapos ang mga transaksyon at dalawa pang United City ang nililigawan na lumipat sa Malaysia. Ang kuya ni Amin na si Omid Nazari ay kinukuha ng Negeri Sembilan habang si Justin Baas ay nasa radar ng Melaka United.





Comments