Search
  • BULGAR

Maraming salamat sa mga nag-abang sa Agimat ng Agila

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 03, 2021



Isang napakalaking tagumpay ang naging pilot episode ng Agimat ng Agila noong nakaraang Sabado ng alas-7:15 ng gabi sa GMA 7 na inabangan ng napakarami nating kababayan na labis nating ipinagpapasalamat.


Medyo napawi na ang kabang nararamdaman dahil muli ay naramdaman natin ang labis na pagmamahal mula sa ating mga tagasuporta na dahil sa tagal na hindi tayo humaharap sa kamera ay inakala nating hindi gaanong mainit ang pagtanggap sa akin.


Ngunit dahil sa dami ng mga nanood ay muli kong naramdaman ang dating init na ipinapadama ng mga nagmamahal sa atin at dahil sa maluwalhati ninyong pagtanggap sa aking pagbabalik sa telebisyon ay umasa kayong magtutuluy-tuloy na ang pagbabalik ko maging sa paggawa ng mga pelikula.


Maraming salamat din sa napakaraming sponsor na sobra-sobra ang ipinakitang suporta sa Agimat ng Agila at sa pamunuan ng GMA Network ay labis din ang aking pasasalamat sa muli nilang pagbubukas ng pintuan sa aking pagbabalik sa telebisyon.


Naging matagumpay din ang isinagawa nating Kap’s Amazing ‘Agimat ng Agila’ Gadget Giveaway na isinagawa dalawang oras bago ang pilot episode ng Agimat ng Agila na tinutukan din ng napakarami nating kababayan sa aking Facebook account.


Bukod sa inyong lingkod ay naging katuwang ko bilang host ng programa si Benjie Paras at ang nagbigay-kaguluhan para maging masaya ang programa ay si Boobsie Wonderland at nakisaya rin online ang aking leading lady sa Agimat ng Agila na si Sanya Lopez.


Sa kabuuan ay umabot sa halos 2,261,050 ang Reach, mahigit 2,000,000 din ang Engagements, 67,534 ang Reactions, 821,937 ang Comments at 115,490 ang Shares, kaya sobra-sobra talaga ang aking pasasalamat sa lahat nang tumutok sa ating programa.


Nagsimula ang ating online give away bandang alas-5: 00 ng hapon hanggang alas-7: 00 ng gabi na nagsilbing unang round lamang ng programa at pansamalatang itinigil upang bigyang-daan ang panonood ng Agimat ng Agila.


Sa unang round pa lamang ay marami na agad ang natuwa sa ating Amazing Roleta na may mga nakalaang premyo na isa sa mga paboritong sinusubaybayan ng ating mga viewers.


Sobrang saya rin ang portion na Agimat ng Agila-Pera o Letra? at iba pang games na nilahukan ng napakarami nating kababayan mula sa Isabela, Nueva Ecija, Pangasinan, Cagayan, Metro Manila, Bicol, Zamboanga Del Sur, Davao De Oro, Visayas hanggang sa Saudi Arabia Saudi Arabia ay may mga nakisali kabilang na ang napakaraming Overseas Filipino Workers (OFWs).


Bago magtapos ang unang round ng programa ay napakarami pa ng ipinamahagi naming tablet at laptop sa mga hindi bumibitaw sa pagtutok sa aming programa at napakarami ng mapalad na nabahaginan ng ayudad sa ilalim naman ng portion na Agimatizer bago pa nag-break ang programa.


Bandang alas-8:15 ng gabi pagkatapos na mapanood ang Agimat ng Agila ay muli na naman naming itinuloy ang online program para sa second round at sa pagkakataong ito ay dinoble na namin ang mga premyong tatamaan sa Amazing Roleta.


Dahil dinoble na ang papremyo kaya dobleng kasiyahan din ang hatid nito sa ating mga kababayan at maging ang mga secret card na nakataob ay dinoble rin kaya marami ang nanalo ng pangkabuhayan na may kasamang tig-dadalawang laptop o tablet.


Marami rin ang nakakuha ng premyo na mapalad na napili dahil sa nagpadala ng selfie photos ang mga viewers habang nanonood ng Agimat ng Agila kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.


Sa tuwing iikot ang roleta ay magkahalong emosyon ang nararansan ng mga kalahok na may sumisigaw at may umiiyak na damang-dama natin ang labis na pangangailangan ng marami sa ating mga kababayan.


Nakakataba lamang ng puso na marami sa ating natulungan ay nasa gitna ng mga matitinding pagsusubok tulad ng walang sariling tahanan, may sakit at kailangan ng karagdagang panggasatos sa araw-araw.


Ganap na alas-9: 00 ng gabi nang pansamantala na kaming mamaalam sa programa at labis-labis din ang aming kaligayahan dahil bukod sa tagumpay ng Agimat ng Agila ay tagumpay din ang Kap’s Amazing ‘Agimat ng Agila’ Gadget Giveaway dahil napakarami na naman ng ating natulungan.


Sa ngayon ay patuloy pa rin ang natatanggap nating mga messages mula sa ating mga kababayan na nais ring mabigyan ng pagkakataong manalo sa ating online giveaway na kaya natin regular na isinasagawa ay upang makapagbigay ayuda tayo sa ating mga kababayan sa gitna ng pandemya.


Sayang nga lamang at hindi natin kayang bigyan ang buong bansa kaya kinakailangan pa nating idaan sa mga palaro at roleta upang walang makapagsabi na may pinaiiral tayong lamangan sa pamamahagi.


Sa mga nanalo ng malalaking halaga ay ibahagi naman ninyo ang inyong biyaya sa ilang nangangailangan kahit paano at huwag kayong tumulad sa mga kontrabida sa Agimat ng Agila na kahit mawasak na ang kalikasan ay walang pakialam dahil lamang sa pagkagahaman.


Kaya tutok lang tuwing Sabado ng alas-7:15 ng gabi sa GMA 7 upang masubaybayan ninyo ang Agimat ng Agila kung saan ay ginagampanan ko ang forest ranger sa katauhan ni Major Gabriel Labrador para sa punung-puno ng aksiyon, drama at katatawanan na binusisi at pinagandang mabuti ng direktor na si Rico Gutierrez.


Kasama ko rin sa fantasy-adventure na ito sina Sheryl Cruz, Miss World Philippines Michelle Dee, Elizabeth Oropesa, Roi Vinzon, Allen Dizon at Benjie Paras na pare-parehong dumanas ng hamon dahil sa hirap na pinagdaan nila habang binubuo ang teleseryeng ito.


Maganda rin ang feedback ng kalmot sa aking braso mula sa kuko ng agila na aking sinagip sa isang eksena at kung ano ang magiging kaugnayan nito sa pakikipaglaban ko sa mga nagmula sa kadiliman na nais wasakin ang kalikasan!


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.