top of page
WINNER - SEN. ROBIN, IPINAGDIINANG DDS SI JOSHUA-FB Robin Padilla.jpg

Maraming naoospital at namamatay… Hindi mild ang Omicron variant dahil malakas makahawa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 10, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 10, 2022



Naniniwala ang Philippine College of Physician (PCP) na ang kasalukuyang pagsirit ng COVID-19 ay dulot na ng Omicron at tinawag nila itong pandemya ng mga hindi bakunado dahil sa mga unang araw ng pagtaas ng kaso ay pawang hindi bakunado ang dinadala sa pagamutan.


Nagkaroon din ng pahayag ang Department of Health (DOH) na sa unang bugso nang muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay may mga pagamutang nasa 85 hanggang 95 porsiyento ng pasyente ang hindi bakunado bago pa tuluyang naglagablab ang sitwasyon.


Bagama’t may mga ulat na ng kaso ng Omicron sa bansa ay tikom pa rin ang bibig ng DOH noong una na kompirmahin kung ang nagaganap na pagsirit ng naturang virus sa bansa ay epekto na ng Omicron, ngunit hindi rin isinasantabi ang posibilidad na ito ay Omicron na.


May mga unang pahayag ang ilang eksperto na mild na sintomas lamang umano ang dala ng Omicron variant, ngunit dahil sa sobrang bilis nitong makapanghawa ay mas marami ngayon ang nagkakasakit at tanggap na nilang umaatake na ang Omicron.


Tinutulan naman ng World Health Organization (WHO) ang pagturing na mild lamang ang epekto ng Omicron variant dahil mahigpit umano itong kakumpitensiya ng Delta variant bilang dominanteng variant sa mundo dahil isinusugod din sa ospital ang mga nahahawa at nakamamatay.


Ang PCP ay nagbigay din ng pahayag na maging ang mga fully vaccinated ay hindi pa rin ligtas sa Omicron variant dahil malaki umano ang tsansang makaranas sila ng breakthrough infections, ngunit hindi sila malalagay sa malalang sitwasyon.


Mas lubhang nasa panganib umano ang mga kababayan nating hindi pa nababakunahan kung sakaling sila ang dapuan ng Omicron variant na ngayon ay kumpirmadong nananalasa na sa maraming bansa, partikular sa Estados Unidos na nagtala ng isang milyong kaso sa loob lamang ng isang araw.


Pumalo na rin sa 300 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong mundo, kung saan ay nasa dalawang milyong bagong kaso ang naitatala araw-araw dahil sa pananalasa ng pinagsanib na lakas ng Delta at Omicron variant.


Nagpahayag na rin ang DOH at ang IATF na anumang oras ay ibababa na ang Alert Level 4 quarantine status sa NCR dahil sa malapit na umanong umabot sa moderate risk ang healthcare care utilization rate sa rehiyon, bukod pa sa maraming health workers na ang dinapuan ng virus.


Matatandaan na noong nakaraang Huwebes ay nagbabala ang OCTA research group na posible umanong umabot sa 20,000 ang arawang kaso ng COVID-19 sa mga susunod na linggo dahil may nagaganap nang community transmission ng Omicron variant.


Ngunit kinabukasan lamang ay agad na itong pumalo sa 21,819 na pinakamataas na kaso simula noong Setyembre 26, 2021 at nagtala ng record high na 40.0% ang positivity rate at patuloy pang tumataas nang mas mabilis higit sa inaakala ng OCTA Research group.

Kinabukasan uli, araw ng Sabado ay pumalo na naman ang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa sa 26,458 na siyang pinakamataas na bilang ng kaso sa isang araw simula noong pandemya at nadagdagan din ang bilang ng mga nasawi ng 265 na sumampa na sa 52,135.


Hindi na natin nahintay ang panibagong ulat kahapon araw ng Linggo dahil habang tinitipa natin ang artikulong ito ay medyo alarmado na ang marami nating kababayan dahil sa sobrang bilis nang pagkakahawa-hawa, kaya hindi dapat ipagsawalambahala ang panibagong bugsong ito ng virus na patuloy pang tumataas.


Sana lang ay magkaroon ng positibong resulta ang isinusulong Department of Trade and Industry (DTI) na maging available na ang COVID-19 self-test kits sa drugstores na sa tingin natin ay malaking tulong para sa karagdagang proteksiyon ng ating mga kababayan.


Napapanahon na para matututo ang ating mga kababayan na gumamit ng COVID-19 self-test kits para matiyak nila kung positibo o negatibo sila sa naturang virus para alam nila ang mga susunod na gagawin depende sa resulta.


Sa pamamagitan ng antigen test ay matutukoy kung nahawa ang indibidwal o hindi, partikular ang mga asymptomatic na positibo na pala at posibleng makapanghawa ng iba pero hindi pa alam, kaya mabuting maisama na ito sa new normal protocol.


Ang alam natin ay naisumite na ang rekomendasyong ito sa Technical Working Group (TWG) ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) noong Disyembre 31 at kanila itong isinusulong simula pa noong Oktubre ng nakaraang taon.


Maging ang Food and Drug Administration (FDA) ay may aprubado ng antigen self-test kits

pero nakapagtataka kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito available sa mga drugstores na sobrang kailangang-kailangan na ng ating mga kababayan.


Kung anuman sana ang natitira pang usapin nang pagkakaantala sa merkado ng antigen self-test kits ay madaliin na upang kahit sa bahay ay makapagsagawa ng test ang ating mga kababayan dahil mas mabuti na ang mag-antigen test kaysa sa walang test.


Siguro kung available na sa drugstore ang self-test kits ay hindi na gumala at nakapanghawa si ‘Poblacion Girl’ dahil tiyak na mas uunahin niya ang magpakonsulta kaysa rumampa dahil sa pag-aakalang hindi naman siya positibo sa COVID-19.


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page