‘Manok’ ng mga Pinoy si Carpio, ‘manok’ naman ng mga Tsekwa si P-Duterte sa debate
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | May 08, 2021
REPRESENTANTE NG PILIPINAS SI CARPIO, REPRESENTANTE NAMAN NG CHINA SI P-DUTERTE—Napikon na si P-Duterte sa patuloy na pangunguwestiyon nina ret. Senior Associate Justice Antonio Carpio at dating DFA Sec. Albert del Rosario kaugnay sa kawalan niya ng aksiyon sa pananakop ng China sa West Philippine Sea, at sa buwisit ng pangulo ay pinagbantaan nitong susuntukin ang dating DFA sec. at hinamon pa ng debate ang retiradong SC (Supreme Court) justice.
Dinedma lang ni Del Rosario ang bantang panununtok sa kanya ni P-Duterte, pero si Carpio ay kumasa sa hamong debate ng pangulo.
Dahil d’yan, ang iniisyu ngayon ng netizens sa social media ay si Carpio raw ang siyang representante ng Pilipinas at si P-Duterte naman daw ang representante ng China sa debate kasi sa tema ng mga salita ng pangulo ay nakakiling ito sa China, boom!
◘◘◘
SANA SI PACQUIAO ANG HINAMON NG DEBATE NI P-DUTERTE—Sablay ang hamong debate ni P-Duterte kay Carpio kasi siguradong mangangamote siya sa retired justice.
Sana ang hinamon na lang ng debate ni P-Duterte ay si Sen. Manny Pacquiao kasi tulad nina Carpio at Del Rosario ay kinukuwestiyon din ng boksingerong senador ang kawalan niya ng aksiyon sa pananakop ng China sa West PH Sea, period!
◘◘◘
KUNG SI PACMAN ANG HINAMON NG DEBATE, BAKA MATALO PA ANG PRESIDENTE—Ang kuwela nga lang, kung si Pacquiao ang hinamon ng debate ni P-Duterte ay baka talunin din ni Pacman sa debate ang pangulo.
Baka hindi magawang ipaliwanag ng P-Duterte ang kinukuwestiyon sa kanya ni Pacquiao kung bakit hindi natuloy ang pramis niyang pagdye-jetski sa Spratly Islands para itirik ang bandila ng Pilipinas at ipamukha sa China na pag-aari ng ‘Pinas ang West PH Sea, boom!
◘◘◘
MASAKIT SA MGA PILIPINO ANG SINABI NI P-DUTERTE NA PAPEL NA PANG-BASURA LANG ANG PAGKAPANALO NG ‘PINAS SA CHINA—Maraming Pinoy ang nasaktan sa sinabi ni P-Duterte na ang pagkakapanalo ng Pilipinas sa kaso sa China sa Permanent Court of Arbitration (PCA) ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ay isang pirasong papel lang na puwedeng itapon sa basurahan.
Masasaktan talaga ang mga Pilipino kasi ipinagbunyi ng mamamayan ang pagkapanalo ng Pilipinas sa China, tapos ang papel na pang-basura lang pala ang tingin dito ng mismong lider ng bansa, tsk-tsk-tsk!





Comments