Manila Stars, patas na sa Coolers
- BULGAR
- Dec 14, 2021
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 14, 2021

Ipinantay ng Manila Stars ang kanilang kartada sa 1-1 matapos ang 89-59 tagumpay sa EMKAI Xentromall Rizal Golden Coolers sa pagpapatuloy ng Chooks To Go Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational 2021 kahapon sa SM Mall of Asia Arena.
Dominado ng Stars ang buong laban at bumomba ng tig-walong puntos sa first quarter sina Dan Sara at Brent Paraiso para lumamang at hindi na lumingon pa, 24-11. Umabot hanggang 34 puntos ang lamang sa fourth quarter, 88-54.
Nanguna si Sara na may 16 puntos at sinundan ni John Rey Villanueva na may 14 at Paraiso na may 13 puntos. Nakabawi ang Manila sa masakit nilang pagkabigo sa kamay ng EOG Sports-Mindoro noong Linggo ng gabi, 77-80.
Pareho rin ang naging kapalaran ng Bacoor Strikers at nakabawi sa Caloocan Excellence, 72-50. Pumukol ng anim na tres si Jerome Garcia para sa 26 puntos sa 28 minuto upang ipantay ng Strikers ang kartada sa 1-1 sa Grupo A. Umabot ng 35 ang lamang ng Bacoor sa 4th quarter, 65-30. Kumuha ng malaking tulong si Garcia kay Richard Albo na nag-ambag ng 13 puntos at 12 rebound.
Nakalasap ng masakit na 71-73 na pagkabigo ang Strikers sa All-Star Bacolod Ballers noong Sabado, ang unang araw ng torneo na tatakbo hanggang Dis. 23. Sinuklian ni Garcia ang tiwala sa kanya ni Coach Aldrin Morante at nagpakitang-gilas matapos hindi makapuntos kontra sa Ballers.
Nakamit ng Bacolod ang ikalawang sunod na panalo laban sa Negros Muscovados, 68-67, noong Linggo ng gabi. Bumida ang mga matinik na guwardiyang sina JK Casino na may 15 puntos at Camillus Altamirano na may 13 puntos.





Comments