Manila, kampeon sa Pilipinas 3x3 Invt'l
- BULGAR
- Oct 21, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 21, 2021

Tinambakan ng HeiHei Manila ang Pasig Kingpin, 21-6, upang mauwi ang kampeonato sa Chooks To Go Pilipinas 3X3 Invitational sa LausGroup Event Centre sa City of San Fernando, Pampanga kahapon. Ang inaasahang gitgitang laban ay hindi nangyari at agad inilabas ng Manila ang kanilang lakas at winakasan ng maaga ang laro sa 5:19.
Sumandal ang Manila sa matalas na shooting mula sa labas nina Mark Jayven Tallo, Zachary Huang at Chico Lanete habang binantayan ni Mike Harry Nzeusseu ang ilalim patungo sa gantimpalang P100,000 at may bonus na P10,000 para sa pinakamabilis na laro. Maliban sa salapi, ang apat ang kakatawan sa Pilipinas sa 2021 FIBA 3X3 World Tour Abu Dhabi Masters sa Oktubre 29.
Patungo sa kampeonato, tinalo ng Manila ang BRT Sumisip Basilan sa quarterfinals, 21-10, at ARQ Builders Cebu sa semfinals, 18-10. Para sa Pasig, pinabagsak nila ang Pacquiao Coffee Bacolod, 21-15, at Essen Immunoboost Sarangani sa semis, 21-14.
Ayon kay Boss Ronald Mascarinas ng Chooks To Go, dalawa ang kanilang layunin kaya inilunsad ang palaro. Una ay para mabuhay muli ang 3X3 at makalikom ng puntos patungo sa paglahok ng bansa sa Paris 2024 Olympics at pangalawa, ang maghatid saya sa Filipino.
Ang iba pang mga lumahok ay ang Amacor Mandaluyong, Homegrown Grains Bocaue, RBR Cabiao Nueva Ecija, MNL Kingpin Quezon City, Adam Esli Pasay at Zamboanga Valientes.
Ihahayag ang petsa ng pormal na pagbubukas ng 2021 President’s Cup.
Sa mga side events, ipinasok ni Janus Lozada ng AMACOR Mandaluyong ang siyam na sunod-sunod na bola at nagmintis sa ika-10 at huli subalit iyon ay sapat para tanghaling kampeon ng Two-Point Shootout. Sa Sudan Daniel Slam Dunk Contest, ipinakita muli ni David Carlos na siya ang hari ng dunk sa Pilipinas.





Comments