Manila Chooks may laro sa FIBA Challenger China
- BULGAR
- Aug 5, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 5, 2023

Mga laro ngayong Sabado – Yichang, Tsina
2:10 p.m. Futian vs. Manila Chooks
4:00 p.m. Manila Chooks vs. Zaisan
Sasalpok muli ang numero unong koponang Filipino sa 3x3 Manila Chooks laban sa mga higante sa FIBA3x3 Yichang Challenger ngayong Sabado sa Tsina. Nabunot ang mga Pinoy sa Grupo A laban sa Futian ng Tsina at Zaisan ng Mongolia kung saan nakataya ang tiket patungong World Tour Constanta Masters sa Romania ngayong Setyembre 9.
Tinawagan ang mga nangungunang manlalaro ng bansa Mark Jayven Tallo, Paul Desiderio at Dennis Santos habang pinagpipilian sa pagitan nina 6’5” Amerikano Marcus Hammonds o 6’9” Tosh Sesay ng Sierra Leone kung sino ang magsisilbing import.
Naglaro si Hammonds sa nakaraang Wuxi Challenger noong Hulyo 22 bilang kapalit ni Sesay na nagkaroon ng suliranin sa kanyang visa at hindi nakalakbay.
Unang haharapin ng Chooks ang Futian sa 2:10 ng hapon. Pamilyar ang kalaro dahil nagtapos ito ng pangalawa sa Manila Masters noong Mayo at pangungunahan ni import Thibaut “Must See TV” Vervoort ng Belgium kasama sina Guo Hanyu, Zhang Dianlang at Zhang Wei.
Susundan ito ng tapatan sa Zaisan sa 4 p.m. Kahit mas mataas sa FIBA3x3 Team Ranking ang Manila, nananatiling delikadong kalaro ang kahit sinong kinatawan ng Mongolia na numero unong bansa sa Asya at ipaparada sina Altangerel Batsaikhan, Ulizii-Orshikh Myagmarsuren, Ganbaatar Nyamdorj at Ulziibat Myagmarsuren.
Kailangang magtapos ng maganda ang mga Pinoy upang itaas ang FIBA3x3 Federation Ranking na kasalukuyang nasa kabuuang ika-29 at pang-lima sa Asya. Mahalaga ang malilikom na puntos upang mapabilang ang Pilipinas sa walong koponan sa Paris 2024 Olympics.





Comments