Manila Chooks hindi uli nakaporma sa FIBA 3x3
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 7, 2023

Nabigo muli ang Manila Chooks na mag-uwi ng karangalan matapos ang dalawang magkasunod na talo sa FIBA3x3 Yichang Challenger noong Sabado sa Tsina.
Tumanggap sila ng masakit na 20-21 desisyon sa top seed Futian at ginulat ng Zaisan, 17-21, upang magpaalam ng maaga sa Grupo A.
Isang puntos na lang ang kailangan ng Chooks upang patumbahin ang Futian, 20-17, papasok sa last two minutes matapos ang buslo ni Marcus Hammonds. Sa kasamaang palad, gumuho ang kanilang depensa at naka-shoot ng dalawang two-points sina Thibaut Vervoort at Guo Hanyu upang wakasan ang laban na may 1:05 nalalabi sa orasan.
Parehong nagtapos na may tig-walong puntos sina Vervoort at Guo. Nagtala ng 10 puntos puntos si Hammonds at sinundan ni Paul Desiderio na may lima, tatlo kay Dennis Santos at dalawa kay Mark Jayven Tallo.
Dahil sa resulta, naging knockout para makapasok sa quarterfinals ang tapatan sa Zaisan subalit pinatunayan muli ng mga Mongolian bakit sila ang numero unong bansa sa Asya pagdating sa 3x3. Kontrolado ng Zaisan ang buong laro at kahit nagbanta saglit ang Manila sa dos ni Hammonds, 17-18, sinagot ito ng apat na puntos nina Ganbaatar Nyamdorj at Ulzii-Orshikh Myagmarsuren at itigil ang laro na may 1:38 sa orasan.
Nanguna sa Chooks si Desiderio na may walo at Hammonds na may pito habang tig-isa sina Tallo at Santos. Nagtapos sa ika-siyam na puwesto ang mga Pinoy sa 14 kalahok, mas mataas kumpara sa ika-12 sa Wuxi Challenger noong Hulyo 22.
Magbibigay daan muna ang Manila Chooks sa sister team Cebu Chooks na maglalaro sa unang pagkakataon ngayong taon sa Sukhbaatar Challenger sa Agosto 12 at 13 sa Mongolia. Kakatawanin ang Queen City of the South nina Isaiah Blanco-Hontiveros, Calvin Payawal at mga 6’10” import Lenda Douanga at Jean Victor Nguidjol.





Comments