Manila Chooks, haharap sa bigatin ng Asya sa 3x3
- BULGAR
- Apr 20, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | April 20, 2023

Mga laro sa Sabado:
6:05 PM Utsunomiya Brex vs. Manila Chooks
7:55 PM Manila Chooks vs. Bayongol Broncos
Haharapin muli ng Manila Chooks ang mga bigatin ng Asya sa 2023 FIBA 3x3 Ulaanbaatar Super Quest ngayong Abril 22 at 23 sa Mongolia. Gagawin ng numero unong manlalaro ng bansa Mark Jayven Tallo, Brandon Ramirez, Calvin Payawal at bagong kakampi na si Paul Desiderio ang lahat upang makamit ang isang tiket sa World Tour Manila Masters sa susunod na buwan.
Nabunot ang mga pambatong Pinoy sa Grupo D kung saan una nilang haharapin ang paboritong Utsunomiya Brex ng Japan sa 6:05 ng gabi. Nasa Brex ang numero unong manlalarong Hapon Yosuke Saito, Ryoma Saito at dalawang Serbian 6’9” Teodor Atanasov at 6’6” Marko Milakovic.
Pamilyar ang dalawang Serbian sa mga Filipino at dalawang beses silang nakapaglaro sa bansa noong nakaraang taon bilang mga kasapi ng Saitama Alphas. Tinalo nila sina Tallo at Ramirez na noon ay naglaro para sa Cebu Chooks, 13-11, sa Chooks-To-Go Standalone International Quest sa Santa Rosa City noong Setyembre na nagsilbing daan para makalahok ang Alphas sa Cebu Masters noong Oktubre.
Susunod para sa Manila ang Bayangol Broncos ng host Mongolia sa 7:55 ng gabi. Kahit ang Broncos ang ika-12 at pinakamababang seed sa torneo, kailangan pa rin mag-ingat ang Manila at ang Mongolia na numero unong bansa sa buong Asya pagdating sa 3x3.
Kabuuang anim na koponan ang ipinadala ng host Mongolia sa pangunguna ng Ulaanbaatar MMC Energy, Sansar MMC Energy, Zavkhan, Zaisan, Amgalan at Bayongol. Ang iba pang kalahok ay Futian ng Tsina, Saitama Alphas ng Japan, Kuala Lumpur ng Malaysia at Seongnam ng Timog Korea.





Comments