top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Manila Chooks, 8th place sa 3rd Leg ng 3x3 Pro League

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 19, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | March 19, 2023




Winakasan ng Manila Chooks ang kanilang kampanya sa 3x3 Pro League Netherlands Winter Edition sa pagkuha ng ika-walong puwesto sa ikatlong yugto ng serye sa Velodrome Amsterdam Sabado ng umaga, oras sa Pilipinas. Sunod na tututukan ng mga pambatong Pinoy ang Grand Finals ng serye ngayong Marso 19 upang matukoy ang pangkalahatang kampeon.


Hindi pa rin malampasan ng kombinasyon nina Mark Jayven Tallo, Dennis Santos, Calvin Payawal at Matthew Salem ang pamilyar na kalabang Warsaw Lotto sa quarterfinals at yumuko, 13-22. Matatandaan na magiting na hinarap ng mga Pinoy ang Warsaw sa quarterfinals din ng unang yugto noong Marso 11 bago bumigay, 7-22, sa gitna ng paggamit ng tatlong manlalaro lang matapos mapilay ang tuhod ni Brandon Ramirez.


Sa group stage noong Biyernes, natalo muna ang Manila sa Toronto ng Canada, 11-22.


Bumawi sila at nakapasok sa quarterfinals at dinaig ang Ijmuiden ng Netherlands, 21-13.


Winalis ng host team Amsterdam ang tatlong yugto ng serye sa isang “grand slam” at tinalo ang Toronto, 21-20, para sa kanilang pangatlong sunod na korona. Dahil dito, walang duda na sila ang numero uno sa serye at kumpirmadong lalahok sa FIBA 3x3 World Tour Manila Masters ngayong Mayo 20 at 21 sa SM City Fairview.


Maliban sa Amsterdam na kasalukuyang ika-pito sa FIBA 3x3 World Ranking ng mga pro club, pasok na rin sa Manila Masters ang Utsunomiya Brex sa bisa ng pagiging kampeon ng Japan noong Pebrero. May tig-dalawang tiket papuntang Maynila ang naghihintay para sa kampeon at pangalawa sa magkasabay na Super Quest sa Lausanne, Switzerland at Ulaanbaatar, Mongolia sa Abril 22 at 23 habang magpapangalan ang FIBA ng walong iba pang kalahok.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page