top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Manila Chooks, 7th place sa FIBA 3x3 Super Quest

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 25, 2023
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 25, 2023




Nagtapos sa ika-pitong puwesto ang numero unong koponang Filipino Manila Chooks sa 2023 FIBA 3x3 Ulaanbaatar Super Quest noong Linggo sa UB Palace sa Mongolia. Tinalo ng Sansar MMC Energy ang mga Pinoy, 21-15, sa quarterfinals subalit hindi ito naging madali.


Umarangkada ang Sansar sa 7-0 ngunit nagawang pang pumalag ng Manila. Humabol sila at nakalapit sa dos puntos ni Paul Desiderio, 15-17, at 2:29 sa orasan.


Naging suliranin ng Manila ang marami nilang foul at ipinasok ng Sansar ang limang sunod-sunod na puntos upang wakasan ng maaga ang laro na may 1:39 nalalabi.

Nanguna si Desiderio na may walong puntos, lahat galing sa malayong two-points. Tumulong si Mark Jayven Tallo sa kanyang anim at nag-ambag ng isa si Brandon Ramirez.


Itinanghal na kampeon ang Utsunomiya Brex ng Japan na nanaig sa Futian ng Tsina, 21-18, at nakamit ng dalawang koponan ang karapatan na maglaro sa World Tour Manila Masters sa Mayo 20 at 21 sa SM City Fairview. Maaaring makalahok pa rin ang Manila Chooks bilang wild card para sa Pilpinas bilang punong abala.


Sa group stage noong Sabado, yumuko ang Manila sa Utsunomiya, 22-10. Masyadong malakas ang dalawang Serbian import na sina Teodor Atanosov at Marko Milakovic na nagsama para sa 14 puntos habang apat lang si Desiderio, tatlo kay Tallo, dalawa mula kay Ramirez at isa sa pang-apat na kasapi si Calvin Payawal.


Bumawi si Payawal sa sumunod at laban at nagbagsak ng pitong puntos sa kontra Bayangol Broncos para sa huling upuan sa quarters, 21-18. Pitong puntos din si Desiderio at napigil ang huling hirit ng mga Bronco.


Unti-unting nabubuo na ang mga kalahok sa Manila Masters at isama na ang kampeon ng kasabay na Lausanne Super Quest na San Juan ng Puerto Rico at pumangalawang Dusseldorf LFDY.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page