Manila Chooks, 7th Place sa 3X3 Pro League Leg 1
- BULGAR
- Mar 12, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 12, 2023

Laro ngayong Linggo – Velodrome Amsterdam
9:05 PM Dusseldorf vs. Manila
10:45 PM Manila vs. Ashgabat
Nagtapos sa ika-pitong puwesto sa 12 kalahok ang palaban na Manila Chooks sa pagtatapos na unang yugto ng 3x3 Pro League Netherlands Winter Edition Sabado ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Velodrome Amsterdam. Susubukang bumawi agad ng mga Pinoy ngayong Linggo ng gabi sa pagsipa ng pangalawa sa tatlong yugto ng serye sa parehong palaruan.
Hindi nakayanan ng Manila ang lakas ng Warsaw Lotto ng Poland sa quarterfinals at tuluyang bumigay, 7-22. Nalumpo agad ang mga pambato ng bayan sa pagbukas ng group stage pa lang noong Sabado kung saan napilayan ng tuhod si Brandon Ramirez sa 14-22 pagkabigo sa Utrecht ng Netherlands.
Naiwan sina Mark Jayven Tallo, Dennis Santos at Calvin Payawal na ituloy ang laban.
Nagbunga ito ng 21-13 tagumpay kontra sa isa pang lokal na koponan Amstelveen para sa huling upuan sa quarterfinals.
Para sa ikalawang yugto, nabunot ang Manila sa Grupo B kasama ang Dusseldorf ng Alemanya at Ashgabat ng Turkmenistan. Ang mga Aleman ang nagtapos ng pangalawa sa unang yugto sa likod ng kampeon Amsterdam habang ang Ashgabat ay ika-10.
Kung kailangan, nakaantabay ang reserbang si shooter Matthew Salem na palitan si Ramirez. Unang sasalang ang mga Pinoy kontra Dusseldorf sa 9:05 ng gabi at Ashgabat sa 22:45 ng gabi.
Ang ikatlo at huling yugto ay sa Huwebes at ang mga may pinakamataas na puntos at kartada ay tutuloy sa Grand Finals sa Marso 19. Maliban sa pinagsamang $60,000 (P3.311M) na gantimpala, ang kampeon ay bibigyan ng tiket sa FIBA 3x3 World Tour Manila Masters ngayong Mayo 20 at 21 sa SM City Fairview.





Comments