Manila at Cebu Chooks, kinapos sa 3X3 Super Quest

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 9, 2022

Lumaban nang sabayan ang mga pambato ng Pilipinas na Manila Chooks at Cebu Chooks bago tuluyang magpaalam sa FIBA 3x3 Ulaanbaatar Super Quest nitong Biyernes at Sabado sa Sky Resort sa Mongolia. Pumasok sa semifinals ang Manila subalit nabitin sa kanilang layunin na makakuha ng tiket sa World Tour Manila sa Mayo 28 at 29 matapos yumuko sa naging kampeon na Zaisan MMC Energy ng Mongolia, 21-16.
Bago ang laban nila sa semifinals ay hindi pa natatalo ng Zaisan ang Manila sa kanilang dalawang tapatan ng Asia-Pacific Super Quest noong nakaraang linggo sa Santa Rosa, Laguna at noong group stage noong Biyernes. Lumamang ang Manila sa likod ng free throw ni Dennis Santos at shoot ni Henry Iloka na may anim na minuto sa orasan, 15-13, subalit sinagot ito ng tatlong magkasunod na two-points ni Ikhbayar Chuluunbaatar para maagaw ang abante, 19-15.
Humirit ng isa pang buslo si Iloka, pero agad winakasan ni tournament Most Valuable Player Gan-Erdene Gantsolmon ang laban sa kanyang dos at limang minuto pa sa orasan. Nakabawi ang Zaisan matapos pumangatlo lang sa Asia-Pacific Super Quest.
Tinalo ng Zaisan ang kanilang kababayan sa Ulaanbaatar MMC Energy, 21-17, para sa kampeonato at $10,000 (P523,955). Tutuloy ang dalawang koponan sa Manila Masters at sasamahan nila ang Sansar MMC Energy na nauna nang nakapasok matapos pumangalawa sa Asia-Pacific Super Quest sa likod ng kampeon Cebu.
Sa quarterfinals, naging bayani si Chico Lanete at pinasok ang two-points na may 2:39 sa orasan upang gulatin ng Manila ang Yokohama Beefman ng Japan, 21-20. Halimaw sa ilalim si Iloka na nagtapos na may 10 puntos.
Hindi pinalad sa quarterfinals ang Cebu at natalo agad sa Zavkhan MMC Energy, 20-17, at nagtapos sa ikaanim na puwesto. Kahit hirap dahil sa rami ng kanilang foul, pumalag ang Cebu at nagbanta matapos pumuntos sina Mark Jayven Tallo at Mike Harry Nzeusseu, 17-20, pero na-shoot ni Avirmed Lhagvaa ang dos bago tumunog ang huling busina.





Comments