Manggugulat sa CamSur Express team sa 2021 NBL sina Cervantes at Del Rosario
- BULGAR

- Mar 11, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 11, 2021

Asahan na may ilalabas na sorpresa ang CamSur Express sa kanilang pagsabak sa 2021 National Basketball League (NBL), ang pinakabagong ligang propesyonal sa bansa, ngayong Abril. Nagpatikim ang koponan sa pagpakilala sa beteranong si Reil Cervantes at nagbabalik sa 2020 NBL Mythical Five Jonathan del Rosario bilang kanilang mga haligi sa pagnais na mag-uwi ng kanilang unang kampeonato.
Kasalukuyang binubuo pa ang kumpletong listahan ng Express na kabibilangan ng mga kinatawan buhat sa lahat ng lalawigan ng Bikol. Dahil dito, tiyak na mas lalaki ang pagkakataon ng CamSur na higitan ang kanilang naipakita sa nakaraang tatlong taon ng NBL noong ito ay ligang amateur.
“Masaya kami at nakuha namin si Reil,” wika ni Coach John Paul Disuanco. “Malawak ang kanyang karanasan at tiyak na marami siyang maambag sa kanyang mga nakakabatang kakampi.”
Bunga ng pandemya, kinailangan muna magsumite ng video ang lahat ng mga nais maging bahagi ng Express. Hinihintay pa ang pahintulot ng IATF at GAB sa pagsimula ng ensayo. “Pangarap din na matuklas ang susunod na Bikolano Basketball star na susunod sa yapak nina Yoyoy Villamin at Dante Gonzalgo,” wika ni SBP Region V Director Engr. Solomon Ngo. “Hinihingi namin ang patuloy na suporta ng mga Bikolano sa kanilang unang pro team.”
Tinapos ng Express ang 2020 Black Arrow Express President’s Cup na may kartadang 5-1 panalo-talo. Nabura ang lahat ng kanilang pinaghirapan matapos magpasya ang pamunuan na hindi sila maglalaro sa bubble playoffs na ginanap noong Oktubre sa Bren Z. Guiao Convention Center sa City of San Fernando, Pampanga.
Ayon kay Commissioner Edward Aquino, pinag-aaralan pa ang plano kung papasok o hindi papasok sa bubble ang mga koponan. Sa ngayon, una sa listahan ng NBL ang mabalik ang ensayo upang hindi maging gahol sa oras ang lahat pagsapit ng Abril.




Comments