top of page

Maltreatment of Prisoners, maituturing na krimen

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 19, 2023
  • 3 min read

Updated: May 19, 2023

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 19, 2023


Dear Chief Acosta,


Mayroon bang kaso na Maltreatment of Prisoners? Nakatanggap kasi ang kaibigan ko ng sulat kaugnay sa kaso na isinampa laban sa kanya. Mayroon yatang kaugnayan ito sa dati niyang trabaho sa piitan. Maaari ba siyang matulungan ng inyong opisina? – Linda


Dear Linda,


Ang ating mga batas kriminal ang nagsisilbing proteksyon para sa mga taong gumagawa ng pang-aabuso. Isa na rito ang Artikulo 235 ng Revised Penal Code of the Philippines, na naamyendahan ng Section 52 ng Republic Act No. 10951, kung saan tinutukoy ang krimen ng Maltreatment of Prisoners. Ayon sa naturang batas, sinuman na mapatunayang nang-abuso sa taong nasa piitan o person deprived of liberty (PDL) ay maaaring patawan ng parusang pagkakakulong, maliban pa sa parusang maaaring ipataw sa kanya para sa aktwal na pisikal na pananakit na kanyang ginawa. Para sa iyong kaalaman, malinaw na nakasaad sa naturang batas:


“Art. 235. Maltreatment of prisoners. — The penalty of prisión correccional in its medium period to prisión mayor in its minimum period, in addition to his liability for the physical injuries or damage caused, shall be imposed upon any public officer or employee who shall overdo himself in the correction or handling of a prisoner or detention prisoner under his charge, by the imposition of punishments not authorized by the regulations, or by inflicting such punishments in a cruel and humiliating manner.


If the purpose of the maltreatment is to extort a confession, or to obtain some information from the prisoner, the offender shall be punished by prisión mayor in its minimum period, temporary special disqualification and a fine not exceeding One hundred thousand pesos (P100,000), in addition to his liability for the physical injuries or damage.”


Kung ang kaibigan mo ay inireklamo ng Maltreatment of Prisoners dahil mayroon siyang ginawang pang-aabuso noong siya ay nagtatrabaho pa sa piitan, mahalagang harapin niya ito at patunayan na siya ay inosente sa ibinibintang laban sa kanya. Kung kailangan niya ng abogado na magrerepresenta sa kanya, iminumungkahi namin na siya ay makipag-ugnayan sa aming PAO District Office na nakakasakop ng lugar kung saan nakahain ang reklamo laban sa kanya upang mahimay ang mga impormasyon ukol sa kanyang legal na suliranin, masuri ang kanyang mga dokumento at ebidensya kaugnay nito, at mapag-aralan ang maaari niyang maging legal na hakbang o remedyo.


Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o mga halls of justice ng isang bayan, siyudad, o probinsya.


Sa puntong, ito nais din namin ipaalala na bagama’t ang PDLs ay mayroong kinakaharap na kaso at/o napatawan na ng karampatang parusa ng hukuman, sila ay mga tao pa rin na mayroong karapatan na maging ligtas at hindi dapat maltratuhin o abusuhin.


Mismong ang ating Saligang Batas ay nagsasaad sa Artikulo III nito:


“Section 12 (1)

(2) No torture, force, violence, threat, intimidation, or any other means which vitiate the free will shall be used against him. Secret detention places, solitary incommunicado, or other similar forms of detention are prohibited.


Section 19 (1) Excessive fines shall not be imposed, nor cruel, degrading or inhuman punishment inflicted.


(2) The employment of physical, psychological, or degrading punishment against any prisoner or detainee or the use of substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions shall be dealt with by law.”


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page