Maling pagtatapon ng ginamit na facemask, sobrang delikado
- BULGAR
- Jun 21, 2021
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 21, 2021
Napakahalaga nang panawagan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hinggil sa tamang pagtatapon ng ginamit na facemask dahil sa nasa 10 hanggang 15% ng hinahakot na basura araw-araw ay facemask at iba pang medical waste.
Kapansin-pansing sa mga lansangan, partikular sa maruruming lugar ay naglipana ang mga itinapong gamit na facemask at tila ordinaryo na lamang at hindi na alintana ng marami ang napakadelikadong dulot nito sa mas marami nating kababayan.
Ayon sa mga eksperto malaki ang negatibong epekto kung hindi maisasaayos ang tamang pagtatapon ng mga medical waste, partikular ang facemask hindi lamang sa kapaligiran kung hindi maging sa kaligtasan ng ating mga kababayan.
Ipinaliwanag pa ng DENR na malaking banta rin umano ang hindi tamang pagtatapon ng facemask sa kaligtasan ng mga hayop, lalo na sa karagatan kung saan ay hindi na mabilang ang dami ng nakakalat na facemask hanggang sa pinakamalalim na bahagi kapiling ng mga isda.
Dahil sa mga facemask ay parang nakalagay sa hukay ang isang paa ng mga humahakot ng basura dahil sa posible silang mahawa sa COVID-19 habang inaangkat ang mga basura mula sa iba’t ibang tahanan na kanilang pinaglilingkuran.
Malaki rin ang posibilidad na ang pagtaas ng dami ng basura mula sa ginamit na facemask ay pagmulan rin ng virus at makawa sa mas marami at maging dahilan para maantala ang pagsugpo natin laban sa pandemyang ito.
Alam ninyo bang dahil sa kawalan natin ng disipilina, ang Pilipinas ay nasa top three producer ng plastic waste na itinatapon sa mga karagatan at ngayon ay nadagdagan pa ng gamit na facemask.
Halos buong mundo ang nagrereklamo laban sa pagkakalat natin sa mga karagatan kasunod ng mga China at Indonesia, ngunit taliwas ito sa ulat na inilabas ng global coalition na Break Free from Plastics na ang tunay na salarin ng malaking plastic pollution sa Asia ay ang multinational companies ng Europe at United States.
Dahil umano ito sa pangunguna ng mass producers ng mga inumin at food products, gamot, personal health aids at sigarilyo na ikinakalat umano sa 51 bansa at 43 porsiyento ng mga nakokolektang basura ay may tatak ng malalaking consumer brands.
Ang plastic packaging na ginagamit sa shampoo na ibinibenta sa Southeast Asia ang nakikitang pinakadelikado at ngayon ay nadagdagan pa ito ng mabilis na pagtaas ng dami ng naangkat na basura mula sa facemask.
Mabuti at nangako na ang mga beverage giants tulad ng Coca Cola, Pepsico at Nestle na ang lahat ng kanilang produkto ay gagawing recyclable, reusable at compostable ang kanilang packaging pagsapit pa ng 2025.
May ilang miyembro naman ng Alliance to End Plastic Wastes ang nangakong gagastos ng $1.5 bilyon sa susunod na limang taon para maresolba ang problema sa plastic wastes.
Ginagamit na rin sa kasalukuyan ang sophisticated incinerators sa Europe at US at sinusunog nila ang 42 porsiyento at 1.25 porsiyento ng kanilang mga basura, ayon sa pagkakasunod, sa halip na itapon ang kanilang plastic wastes sa landfills.
Sa buong Asya naman, ang China ay hindi na rin nagpahuli dahil sa mayroon na silang 300 waste-to-energy plants na kasalukuyan nang gumagana at kanila nang pinakikinabangan.
Ngunit sa Pilipinas ay mariing ipinagbabawal ng batas ang pagsusunog ng mga basura dahil sa problema sa polusyon at sa hangin ngunit hindi naman tayo tumitigil sa pag-aaral para maghanap ng paraan na magagawang enerhiya ang mga basura, kabilang na ang gasification at pyrolysis.
Kaso heto na naman ang problema natin sa pagdagsa ng mga gamit na facemask dahil ultimo mo ang mga nangangalakal ay napapansing ang pagdami ng basura nito at hindi malayong maging gabundok na ang sitwasyon sa mga landfill sa mga darating na panahon.
Sa pinakahuling ulat ng Population Commission (PopCom) nitong 2020 ay umabot na ang ating populasyon sa 109,581,178 at kalahati na lamang sa mga ito ang magtapon ng facemask ay mahigit sa 50 milyong facemask araw-araw ang nadagdag sa ating basura.
Wala pang inilalabas na pag-aaral ang Department of Health (DOH) kung gaano kataas ang bilang ng mga itinapong facemask na nagmula mismo sa mga nahawa ng COVID-19, hindi pa kabilang dito ang mga itinatapong Personal Protective Equipment (PPE) na napakarami rin.
Akmang-akma rito ang isinumite nating batas na tinawag na “Extended Producers Responsibility Act of 2020” na naglalayong mapalakas ang umiiral na dalawang dekada ng batas na Republic Act No. 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000.”
Sa pamamagitan ng Extended Producers Responsibility (EPR) ay matutugunan ang tamang waste management at ang mga kumpanya ay obligadong balikatin ang treatment at disposal ng kanilang consumer products tulad ng mga packaging waste.
Obligado rin ang mga kumpanyang ito na sinupin at pamahalaan ang kanilang packaging materials tulad ng recycling o reusing upang maibsan ang pagkalat ng basura at maaari ring pamarisan ang ilang environment friendly measures sa kanilang produksiyon tulad ng paglipat na sa biodegradable packaging o paggamit ng multi-use containers.
Ngunit higit sa lahat ay napakahalagang magkaroon tayo disipilina at maging responsable sa pagtatapon natin ng ating basura, partikular ang facemask dahil posibleng ito pa ang magdulot sa atin ng kapahamakan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments