Maligayang-maligaya at matatag na Pasko sa ating lahat

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | December 26, 2020
Ilang taon na ang nakararaan nang barilin ang tatlong pari sa loob ng anim na buwan. Dahil sa bigat ng krimen laban sa tatlong pari, sinikap nating dalawin ang mga kapatid na pari.
Nadalaw natin sina Fr. Marcelino “Tito” Paez sa Nueva Ecija, pinatay noong ika-4 ng Disyembre 2017 at Fr. Mark Anthony Ventura, pinatay noong ika-29 ng Abril 2018 sa Gattaran, Cagayan. Hindi natin nasamahan si Fr. Flavie sa burol ni Fr. Richmond Nilo na pinatay sa Zaragosa, Nueva Ecija noong ika-10 ng Hunyo 2018.
Nagkasama kami ni Fr. Flavie Villanueva SVD, mabuting kaibigan at kaagapay sa gawain ng karapatang-pantao at katarungan. Nang patayin si Kian delos Santos sa hindi kalayuang siyudad ng Caloocan, nagkasama rin tayo ni Fr. Flavie sa burol ng batang biktima.
Ipinagpatuloy ni Fr. Flavie ang mahalagang ministeryo ng pagdalaw at pakikiramay sa pamilya ng mga biktima ng EJK. Tunay na mahalaga at kahanga-hanga ang gawaing ito na puno rin ng hamon at panganib.
Noong Miyerkles, ika-23 ng Disyembre, nagkasama kami ni Fr. Flavie sa Paniqui, Tarlac upang dalawin ang burol nina Sonya at Frank Gregorio, ang mag-inang pinaslang ng pulis na si Jonel Nuezca. Nakita namin ang mismong lugar kung saan nai-video ang buong away ng magkapitbahay sa isyu ng “boga” at “lupa” na humantong sa sunud-sunod na apat na putok ng baril na sinundan ng nakapangingilabot na katahimikan.
Nagdasal kami ni Fr. Flavie at binasbasan ang mga labi nina Sonya at Frank. Dinasalan at binasbasan din namin ang lugar kung saan bumagsak ang dalawa at kumalat ang magkahalong dugo ng mag-ina. Nakausap namin si Florentino, ang biyudo at ama ng dalawa at ganundin si Ronalyn Cariaga, ang biyuda ni Frank.
Hindi kami nagtagal dahil, malayo pa ang aming uuwian at gumagabi na. Sapat nang ipakita ang malalim na pakikiisa sa mga biktima ng patuloy na karahasan at paniniil sa maliliit at mahihina.
Sa ating Misa de Gallo, alas-4:30 ng umaga kinabukasan, ibinahagi natin ang kakaibang awit na naririnig ngayong Pasko. Ang ebanghelyo sa araw na iyon ay ang Awit ng galak at pasasalamat ni Zacarias para sa kanyang anak na si Huan:“Ikaw naman anak ay tatawaging propeta ng kataas-taasan. Sapagkat, mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan.”
Ito naman ang awit ni Florentino:“Ikaw naman anak, tahimik at malamig ka man, umaawit ka pa rin ng awit ng katotohanang naniningil ng pananagutan at katarungan. Isinisigaw mo mula sa malamig na katahimikan ng iyong matigas na higaan, “Laban, laban, labanan ang karahasan, kalupitan at kahambugan ng pamahalaang walang kaparusahan, walang impunidad para sa mga abusado.”
Noong mga nakaraang araw narinig din natin ang awit ni Maria, Ina ni Hesus: “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu dahil sa Diyos na aking tagapagligtas. Sapagka’t nilingap Niya ang kanyang abang alipin…”
At ngayon, naririnig natin ang kakaibang awit ni Sonya: “Ang puso ko’y malamig na, tapos nang umagos ang dugo nito. Hinawakan, kinapitan, hindi binitiwan ang mahal kong Frank, na hinding-hindi ko ibibigay sa berdugong uhaw sa dugo ng maliliit, mahihina at walang laban. Ang puso ko’y ngayo’y tahimik at malamig na, ngunit patuloy pa ring tumitibok kasaban ng puso ng mga inang kanilang binawian, inagawan ng kanilang mga anak… Patay na ako, tila tahimik na ang aking puso ngunit sumasabay pa din ito sa malalim, marubdog na dagundong ng puso ni Inang Pilipinas para sa libu-libong mga anak niyang pinatay ng mga berdugong naka-uniporme o nagkukubli ng mukha sa ilalim ng helmet o bonnet…”
O Pasko ng awit ng galak at panaghoy. Hindi naming malilimutan kahit pilit na ikaw ay ibaon sa banig ng aming kaabalahan at kumot ng kawalang pakialam. Ito ba ang ibig sabihin ng “Diyos ay nagkatawang tao, naging tao?” Sa aming pag-awit ng masasayang awit pamasko, palagi nang maririnig mula sa hindi kalayuan ang hikbi’t panaghoy ng mga napatayan, nawalan, nasaktan. Nagkatawang tao, naging tao… Opo, niyakap mo lahat lahat ng aming pagiging tao. Mahirap ngunit tunay na dakila, tunay itong nagpapalaya’t nagliligtas.
Maligayang-maligaya, matatag na matatag na Pasko sa ating lahat.





Comments