Mali na magpakampante, mali na maging sunud-sunuran
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| March 23, 2021
Masama ba ang oposisyon o nakakatulong ito? Maganda bang walang oposisyon, walang tumututol, nagtatanong o nagrereklamo? Ano ang mangyayari kung mawala ang anumang uri ng oposisyon at palaging nasusunod ang kalooban ng ‘isang tao’ lamang? Ang tawag sa ganitong sitwasyon—diktadurya.
Ako’y sampung taong gulang pa lamang noong 1965 nang matalo ni ex-P-Marcos si Diosdado Macapagal bilang pangulo. Pawang maganda ang simula ng bagong pangulo—disente, matalino at magalang magsalita si Ferdinand. Masarap siyang pakinggan dahil maingat niyang pinag-aaralan at pinipili ang kanyang mga salita bago pakawalan upang umugat sa lupa ng kamalayan ng tao.
Sa kanyang unang termino hanggang sa ikalawa, tila hindi nahirapan ang bagong pangulo sa taumbayan. Anuman ang kanyang sabihin, siya ay pinapalakpakan at hinahangaan. Walang nababasa at nakukutubang hindi maganda sa himig ng kanyang pananalita. Subalit, hindi nag-iisa ang pangulo sapagkat may asawa ito.
Nabuo sa paligid ng unang ginang ang kanyang “Blue Ladies” na palagi niyang kasama sa loob man o labas ng bansa. Nang matatapos na ang pangalawa at panghuling termino ng dating pangulo, sa puntong ‘yun nagsimulang mag-iba ang tono ng kanyang pananalita. Biglang lumitaw ang problema—lumalala ang banta ng mga komunista. Kalaban na ang mga ito ng demokrasya at ng malayang pag-unlad ng bansa. Kailangang supilin ang problemang ito dahil kung hindi kakalat ito na parang sunog na mahiiwan ng malawak na kapinsalaan.
Matalas ang amoy ng maraming mamamayan. Meron ngang komunista ngunit hindi ang mga ito ang pangunahing suliranin na naglalagay sa panganib sa buong bansa. Nagsimula ang mga protesta noong 1969. Tinutulan ng kabataan ang mga kaduda-dudang pahayag ng dating pangulo. Subalit, sa kabila ng mga protesta ay patuloy na iginiit ng gobyerno ang problema ng komunismo hanggang sa idineklara nito ang Batas-Militar noong ika-21 ng Setyembre 1972.
At mula noon ay nagsimulang gipitin, hulihin, ikulong at ‘itortyur’ ang oposisyon. At sa sumunod na 24 taon, humina at halos nawala ang oposisyon dahil sa maling paggamit sa militar bilang instrumento ng panggigipit, panunupil at pananakot.
Maraming nagdusa sa panahon ng Batas-Military ngunit nagpatuloy ang oposisyon sa iba’t ibang hugis at antas. Naging buhay na sangkap ng oposisyon ang tinig ng simbahan sa katauhan ng ilang Obispo, kaparian at relihiyoso. Natapos ang panunupil nang maganap ang People Power Revolution mula ika-22 hanggang ika-25 noong Pebrero 1986.
Mahalaga ang EDSA revolution sa pagwawakas sa diktadurya, subalit malinaw na napabayaan ang pagbabantay at ang pagsilang ng oposisyon sa panahon ng paglaya sa diktadurya. Dalawa ang kailangang bantayan: ang pagsilang ng diktadurya at ang paghina at kamatayan ng oposisyon. Kalaban ng diktadurya ang oposisyon—likas sa diktador ang tutulan at patayin ang anumang uri ng oposisyon.
Mula 1986 hanggang ngayon, naging kampante ang marami sa atin. Mula ng pagbagsak ng rehimen Marcos at pagpasok ng pitong iba’t ibang administrasyon, makikita ang dalawang pangil na handang kumagat sa mamamayang nagpapabaya. Una, ang korupsiyon. Pangalawa, ang hindi maka-bansa, hindi maka-tao at hindi maka-kalikasang pulitika.
Madaling magpayaman dahil sa kapangyarihan ng puwesto o posisyon, kaya’t kitang-kita sa ilang pangulo ang pagtatangkang manatili sa kapangyarihan tulad ni Ramos na sinubukan ang Cha-Cha (Charter change); si ex-P-GMA na ginawa ang lahat para manatili ng siyam na taon sa kanyang posisyon at ang kasalukuyang Pangulo na kaliwa’t kanan ang pagtugis sa oposisyon.
Ito ang panawagan ng bagong kilusang nailunsad noong Miyerkules, ang ‘I-Sambayanan’.
Sa pamamagitan ng kanilang lider na si Justice Antonio Carpio, ngayon pa lamang ay dapat nang mag-usap-usap at magsama-sama ang oposisyon upang buhayin ang masigla at malusog na demokrasya. Kapag patuloy tayong magpapabaya at magwawalambahala, magtatagumpay ang mga diktador at tuluyang mamamatay, hindi lang ang oposisyon kundi ang ating kalayaan.





Comments