Maldita raw dahil siya ang breadwinner… ANGELICA, HIYANG-HIYA NANG MALAMANG AMPON LANG
- BULGAR
- 48 minutes ago
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | December 13, 2025

Photo: Angelica Panganiban / YT Karen Davila
“I found out na adopted ako year 2010. Ang nagsabi sa akin ay my nephew. Magkaaway kami ng mama ko (adoptive mother), as in talagang away kami, daughter and mom,” ang bungad na kuwento ni Angelica Panganiban sa panayam sa kanya ni Karen Davila sa vlog nito na mapapanood sa YouTube (YT) channel.
Aminado si Angelica na maldita siya sa magulang dahil katwiran niya ay siya ang breadwinner, kaya okay na ‘yun, hanggang sa sinabihan siya ng pamangkin na huwag niyang awayin ang mom niya.
“Umiiyak na sa akin ‘yung nephew ko, sabi n’ya, ‘‘Wag ka namang ganyan kay Evela, Ate. Alam mo ba na ‘di ka naman tunay na anak ni Evela?’ Sabi ko, ‘Ano’ng pinagsasabi mo?’” tumatawang kuwento ng aktres.
Naikuwento raw ito kay Angge noong nasa ABS-CBN dressing room siya. At nang pumasok siya ng banyo ay napatingin daw siya sa salamin at tinanong ang sarili ng “Sino ka?” Parang bigla raw siyang nawalan ng identity.
Aniya, “Ganu’n pala ‘yung feeling. Akala natin na ‘pag nalaman mong ampon ka, magwawala ka. Pero hindi, para akong nauubos. ‘Sino kayo, sino ang pamilya ko? Sino ‘yung kadugo ko?’”
Nabanggit daw niya ito sa adoptive mom niya na alam na niyang ampon siya habang nasa hospital dahil sa over fatigue. Umiyak ang mama niya at sinabing magpalakas muna at saka ikukuwento ang lahat.
Hanggang sa nakauwi na ng bahay si Angge at ipinakita ng mama niya ang mga larawan ng mga taong madalas pumunta sa bahay nila tuwing Pasko at nagpapa-picture sa kanya taun-taon.
“Tapos, ‘pag nagpapa-picture sila, inis na inis ako. Mga tito at tita (biological) ko pala na akala ko, kapitbahay lang namin sila from Tondo. Naiinis ako na bakit ba laging nagpi-picture, eh, para sa akin, Pasko na nga lang ako hindi nagiging artista, ‘di ako nagtatrabaho, tapos pupunta ng bahay para magpa-picture, naiinis talaga ako. S’yempre, na-feel bad ako noong nakita ko ‘yun at nalaman ko ‘yun, na bakit n’yo ako inilagay sa ganu’ng sitwasyon na maiinis pa ako sa kanila, ‘yun pala, kamag-anak ko sila,” kuwento ni Angelica.
Naitanong ni Karen kung ano ang kuwento ng biological mom ni Angelica, kung OFW daw ba ito dahil hindi nga niya nakilala.
Sinabi ng aktres na nagkakilala ang tatay niyang US Navy at nanay niya sa Olongapo. Cleaning lady noon ang nanay niya sa bahay kung saan tumuloy ang ama pagkababa ng barko.
Hanggang sa nakaalis na ulit ng bansa ang tatay ng aktres na hindi nito alam na buhay pa siya dahil ang pinalabas ng mom niya ay patay na silang mag-ina nang dahil daw sa isang car accident, at ginawa ‘yun dahil ayaw na nitong ituloy pa ang relasyon nila dahil may iba na itong karelasyon.
“Kaya noong nahanap ko s’ya (daddy) sa Facebook, para raw s’yang binuhusan ng malamig na tubig kasi ang alam n’ya, patay na ako.
“Wala naman akong planong hanapin sila. Gusto ko lang malaman nasaan s’ya (tatay), nasaan ‘yung tunay kong nanay. And sinabi sa akin na namatay na noong 2007 (biological mom). ‘Yun ang hindi ko maintindihan, bigla akong nanginig, tapos umiyak ako. Bakit ako umiyak, hindi ko naman s’ya kilala, ‘di ko naman s’ya mahal na dapat, galit ako sa kanya. Hindi ko alam saan nanggagaling.
“Then noong kumalma na ako, du’n ko naisip na dapat hanapin ko na rin ang tatay ko para malaman ko kung buhay pa s’ya, para may makilala man lang akong isa sa magulang ko. Kaya ko s’ya hinanap,” kuwento ni Angge.
At nang nalaman ng aktres na ampon siya, “Pakiramdam ko bumait ako kasi naging thankful ako. Unang-una, nahiya ako sa ugali ko. Ang yabang ko kasi noon na breadwinner ako, na okay lang na away-awayin ko sila, nakakapag-provide naman ako.
“And then noong nalaman kong adopted ako, parang biglang wala akong mukhang maiharap. Ako pala ‘yung may utang na loob. ‘Di ba ang yabang ko, tapos sila pala, ‘di nila ako kadugo pero inalagaan ako, pinag-aral ako, minahal ako na parang kanila.
“For 25 years, ‘di ako nag-doubt na ampon ako. Kahit iba ‘yung mga hitsura ko sa kanila, naniwala ako na ‘wag lang daw ako maglaro sa ilalim ng araw nang matagal,” kuwento ni
Angelica kaya nagkatawanan sila ni Karen.
At dahil sa buhay niyang pang-Maalaala Mo Kaya ay nangarap si Angge na bumuo ng sarili niyang pamilya na matatawag niyang kanya, dugo’t laman niya ang nananalaytay sa anak at magiging mga anak pa niya.
Kaya nang makilala niya ang asawang si Gregg Homan, nagpasalamat siya dahil feeling niya, ito ang sagot sa mga panalangin niya sa Diyos.
Ang sarap panoorin ng panayam ni Karen kay Angelica dahil kung ihahambing ito sa pelikula ay feel-good movie ang dating.
May puso ang interview dahil namo-motivate nitong mailabas ng subject ang tunay nilang nararamdaman.
Samantala, ang ayaw ni Angelica Panganiban na mangyari sa buhay niya ngayon ay maghiwalay sila ng mister niya.
Sey niya, “Sobrang kalmado ako, ang ganda ng buhay ko kasama ang pamilya ko kaya ayokong mauwi ito sa unmarry o mawala lahat. Ayaw ko.”




