Malawakang rally, kasado na... BBM, inutil sa oil price hike! — PISTON
- BULGAR

- 17h
- 1 min read
by Mai Ancheta @News | March 17, 2026

Photo: FB / PISTON
Welga ang sagot sa oil price hike! Ito ang sigaw ng grupong PISTON na nakatakdang maglunsad ng nationwide transport strike sa Huwebes, Marso 19, upang igiit sa gobyerno ang iba’t ibang isyung nagpapahirap sa public transport group.
Ayon sa grupo, igigiit nila sa gobyerno na alisin na ang Value Added Tax at excise tax sa produktong petrolyo at magkaroon ng rollback sa mataas na presyo.
Hihilingin din ng PISTON ang limang pisong dagdag sa pamasahe upang makabawi sa napakataas na presyo ng langis.
Ayon kay Mody Floranda, pinuno ng grupo, inutil ang gobyerno sa pagtugon sa epekto ng mataas na presyo ng langis.
“Ngayong darating na March 19, ay ilulunsad po natin ang nationwide transport strike laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo, laban sa US aggression, laban sa pagkainutil ni Bongbong Marcos!” pahayag ni Floranda.
Kinondena rin ng grupo ang mga kumpanya ng langis sa pagtatakda ng napakataas na presyo sa kabila ng bilyun-bilyong kita umano ng mga ito.




Comments