Malasakit Center sa ‘Pinas, umabot na sa 101!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 13, 2021
Habang papalapit na ang implementasyon ng national vaccine program, patuloy tayong nakikiusap sa gobyerno na bigyang-prayoridad ang mga kababayan nating pinaka-nangangailangan ng bakuna.
Inaasahan natin ang pagdating ng unang batch ng bakuna sa bansa ngayong Pebrero. Meron lang dapat i-comply ang gobyerno at by phases ito darating sa bansa. Darating din sa bansa ang Sinovac vaccines na donasyon ng China. Pinagbilin na ni Pangulong Rodrigo Duterte na ilan dito sa mga donated doses ay ibibigay sa mga sundalo at kapulisan.
Noong Miyerkules, umapela tayo na muling pag-aralan ang implementasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center Program at bagong Motor Vehicle Inspection System o MVIS ng LTO. Bagama’t naniniwala tayong malinis ang intensiyon ng mga inisyatibong ito, bigyan muna natin ng palugit ang Pilipino mula sa karagdagang gastos.
Kaya nagpapasalamat tayo sa mga private operators ng MVIS at kay Secretary Tugade sa kanilang pagtugon sa ating panawagan at paglatag ng ‘Special Pandemic Rate’ para hindi mapipilitan ang taumbayan na gumastos ng dagdag mula sa kanilang pinagpapawisang pera.
Mula February 6 hanggang February 11, nag-abot tayo ng tulong sa mga nasalanta ng sunog sa iba’t ibang panig ng bansa. Tinulungan natin ang 24 na pamilyang nasunugan sa Iligan City, Lanao del Norte noong Sabado, February 6; 28 pamilya naman sa Sarmiento St., Bgy. Novaliches, Quezon City at 22 pamilya sa Tambo, Parañaque City nitong Martes, February 9; 224 na biktima ng sunog din ang inabutan natin ng tulong sa Bulacao, Cebu City pagdating ng Miyerkules, February 10; habang 26 na pamilya naman ang inabutan ng tulong sa Buhangin, Davao City na nabiktima rin ng sunog.
Libu-libong kababayan din natin na nasalanta ng mga nakaraang bagyo ang ating tinulungan. Nag-abot tayo ng tulong sa 4,077 biktima sa San Miguel, Surigao del Sur at halos isang libong katao sa Legazpi City, Albay nitong nakaraang Sabado, February 6; 593 beneficiaries sa Carmen at Madrid, Surigao del Sur naman nitong Linggo, February 7; 2,000 biktima sa Kasiglahan Village sa Rodriguez, Rizal ang personal nating binisita at 915 katao naman sa Pio Duran, Albay pagdating ng Lunes, February 8; at 10,826 na biktima ng bagyo sa Prosperidad at Rosario, Agusan del Sur, nitong Miyerkules, February 10 hanggang Huwebes, February 11.
Maliban d’yan, nagbigay din tayo ng ayuda sa mga kababayan nating apektado ang hanapbuhay dahil sa pandemya. Tinulungan natin ang 324 na trabahante ng Philippine Army Golf Course at 497 trabahante ng Philippine Navy Golf Course sa Taguig City nitong Sabado, February 6; 76 soil erosion victims sa Malilipot, Albay nitong Linggo, February 7; 618 market vendors sa Consolacion, Cebu nitong Lunes, February 8; habang 677 pedicab drivers at 68 flood victims naman ang natulungan natin mula sa Tuburan, Cebu nitong Martes, February 9. Nito namang Huwebes, nakapag-abot tayo ng tulong sa 459 tricycle and jeepney drivers sa Pagadian, Zamboanga del Sur; at sa 830 katao na tour guides at displaced workers sa Badian, Cebu.
Noong Huwebes naman ay binuksan na ang ika-101 na Malasakit Center sa Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital sa Laoag City, Ilocos Norte. Ito ang kauna-unahang Malasakit Center sa Ilocos Norte. Matapos ang pagbubukas ng Malasakit Center, nagtungo ako sa Centennial Arena sa Laoag City para makapag-abot rin ng tulong sa halos 500 tricycle at kalesa drivers na hirap ang kabuhayan dahil sa krisis sa bansa.
Nabigyan natin sila ng pagkain, food packs, masks, face shields, vitamins at medisina. Namahagi rin tayo ng bisikleta, computer tablets at sapatos sa mga piling benepisaryo. Naroon din ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para magbigay ng hiwalay na tulong mula sa kanilang mga programa.
Kung anumang mabibigat na suliranin ang pinapasan ng bansa, sisikapin nating hindi ito maipasa sa ordinaryong Pilipino. Kung maaari, gobyerno muna ang sumalo. Bigyan muna natin sila ng pagkakataon upang makabangon mula sa krisis at pagaanin natin ang kanilang pinapasang hirap. ‘Yan ang punto ng bayanihan.
Kaya naman, ngayong papalapit na ang Araw ng mga Puso, isapuso rin natin ang diwa ng bayanihan at pagmamalasakit sa kapwa. Advance Happy Valentines sa inyong lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments