top of page
Search
  • BULGAR

Malapit na ang pagbubukas ng klase, serbisyo ng telcos wala pa ring pagbabago!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 28, 2020



Ilang araw na lamang at magbubukas na ang klase sa darating na Oktubre 5, ng taong kasalukuyan at dahil sa nasa panahon tayo ng pandemya ay may umiiral na health protocol kaya walang magaganap na face to face classes.

Nabatid na unang idineklara ng Department of Education (DepEd) ang pagbubukas ng klase noong nakaraang Agosto 24, ngunit dahil sa dami ng kinahaharap ng sitwasyon ay iniurong mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbubukas ng klase.

Napagkasunduan na pairalin muna ang distance learning para sa school year 2020-2021 at dahil sa pagbabagong ito ay nagsagawa ang DepEd ng self-readiness assessments sa lahat ng mga guro at isinailalim pa sa pagsasanay ang mga gurong hindi handa.

Maging ang pag-iimprenta ng self-learning modules (SLMs) ay tiniyak ng DepEd na maihanda at ito ay nasa 80 hanggang 100 porsiyento nang tapos at tinitiyak nilang maipamahagi na hanggang sa mga lalawigan.

Isa sa malaking kakulangan ng mga mag-aaral ay ang pagkakaroon ng sariling cellphone o tablet na kailangang-kailangan sa pagbubukas ng klase kaya namahagi tayo ng maraming tablet kamakailan nang sa gayun ay makabawas sa kakulangan.

Kaakibat ng mga gadget na gagamitin ng ating mga mag-aaral ay internet connection na alam naman nating maraming lugar ang hindi pa rin maayos ang serbisyo hanggang sa kasalukuyan.


Lalo na sa mga lalawigan, partikuar ang mga bulubunduking bahagi na talagang hanggang ngayon ay wala pa ring signal at marami sa ating mga guro at mag-aaral ang naglalakad pa ng malayo para magamit nila ang kanilang mga cellphone.

Noong nakaraang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte ay nagbigay ito ng babala sa dalawang telecommunications company (telcos) na ayusin sa lalong madaling panahon ang palpak nilang serbisyo.

Sinabi ng Pangulo na bibigyan sila ng pagkakataon hanggang Disyembre ng taong ito at kung hindi maisasaayos ang kanilang serbisyo ay ang gobyerno na ang magpapatakbo ng naturang telcos.

Kaya mismong ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagtayo na ng Task Force upang asistihan ang mga telcos sa pagtatayo ng cellsites mula paghahanap ng lugar hanggang sa ito ay gumana.

Pinabilis na rin ang kailangan nilang dokumento, kabilang na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na dapat ay agad ang pag-apruba ng height restriction ng isang cellsite, pati ang Department of Health (DOH) ay mabilis na ang pagbibigay ng patunay na ligtas para sa kalusugan ng ating mga kababayan ang itatayong cellsite.

Kumbaga ang dating 86 dokumento para makapagtayo ng cellsites ay nasa 35 na lamang at wala na ang kung anu-anong resolusyon ng mga Local Government Unit (LGU) dahil nagiging ugat lamang ng korapsiyon at dagdag pahirap sa mga telcos.

Nasa 50,000 cellsites pa umano sa buong bansa ang kailangang idagdag para mapaganda talaga ang serbisyo ng telcos hanggang sa bulubunduking bahagi ng bansa.

Hanggang sa kasalukuyan ay hindi nagbibigay ng pahayag ang namamayaning telcos kung ano ang dapat nating asahan sa mga darating na araw kaya ang mga guro at mag-aaral ay medyo nababahala.

Tumutulong na ang pamahalaan para mapaganda ang serbisyo ng telcos dahil nga sa labis itong kailangan at sana ay makaramdam na tayo ng kahit unti-unting pagbabago tungo sa mas maayos na serbisyo.

Marami pa naman tayong guro at mag-aaral ang mas inuuna pa ang pagbili ng tingi-tinging load kesa ibang gastusin tapos hindi naman sulit ang kanilang ibinayad dahil sobrang bagal ng internet connection tapos ilang saglit lang paso na ang binayarang load.

Anak ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page