Malalakas ang maglalaban-laban sa 2022 presidential derby, abangan!
ni Ka Ambo - @Bistado | August 26, 2021
Magulong parang hinalong kalamay ang diskarte ng mag-amang Duterte.
Inamin ni Mayor Sara na nagmensahe sa kanyang ama na kakandidato itong vice-president at president naman si Sen. Bong Go.
◘◘◘
HINDI binanggit ni Mayor Inday kung kakandidato rin siya o hindi.
Taliwas ito sa kanyang pagkilos, kung saan nagbubuo rin siya ng istruktura para sa presidential race.
◘◘◘
HINDI malinaw at hindi kongkreto ang inilabas na mensahe ni Inday Sara sa media at social media.
Maghintay tayo hanggang Setyembre.
◘◘◘
MAY nagsasabing magulo ang porma dahil bunga ito ng panic ni P-Digong kaugnay sa kasong nakasampa sa International Criminal Court.
Nagpapahiwatig din ito ang espekulasyon na surprise presidential bet ng mag-amang Duterte si dating Sen. Bongbong Marcos.
◘◘◘
HAYAG ang tandem nina Mayor Sara at BBM, pero hindi pa matukoy kung sino ang kakandidatong pangulo o kung sino ang kakandidatong pangalawang pangulo.
Nananatiling neutral ang kampo ni Marcos at umiiwas na magbigay ng opisyal na pahayag na makasisira sa sinumang presidentiable.
◘◘◘
MAY nagsasabi na desidido si Marcos na kumandidatong pangulo at mas malaki ang posibilidad na maging tandem niya sinuman sa mag-amang Duterte.
‘Yan ang pinakamalakas na espekulasyon—Marcos-Duterte.
◘◘◘
PERO sakaling mangahas si Mayor Sara na kumandidatong pangulo, posibleng kumandidato ring pangulo si Marcos.
Ito ay sa pasubaling magkakaroon siya ng malakas na kandidatong pangalawang pangulo—sinuman kina Sen. Manny Pacquiao o Meyor Isko.
◘◘◘
GAYUNMAN, sinasabing desidido rin si Pacquiao na kumandidatong pangulo pero wala siyang tinutukoy na ikakandidatong ikalawang pangulo.
Kasabay nito, wala ring linaw kung kakandidato si VP Leni bilang pangulo.
◘◘◘
MAY pahiwatig din nagmamaniobra rin ang kampo ni Meyor Isko na suportado ng mga dambuhalang negosyante at inaakit nito si Sen. Pacquiao na makitandem na lamang.
Malalakas ang maglalaban-laban sa 2022 presidential derby.
◘◘◘
SA gitna nito, pinaninindigan nina Sen. Ping Lacson at Sen. Tito Sotto na wala nang atrasan ang kanilang deklarasyon.
Sa ngayon, ang Lacson-Sotto tandem ang tanging may kongkretong maniobra o postura.
◘◘◘
Kumbaga, para kina Lacson at Sotto, mas daig ng maagap ang masipag.
Habang atubili ang mga kalaban, kongkreto nilang inoorganisa ang kanilang gulugod na gagamitin sa 2022.
◘◘◘
ISA ring nawawala sa eksena at hindi rin malinaw ay kung ano talaga ang political plan ni ex-Speaker Alan Peter Cayetano na gumagastos na rin at nag-oorganisa.
Naniniwala ang marami na magkakaroon na ng linaw ang lahat ng ito sa pagsapit ng Setyembre kung saan, bisperas ng buwan bago ang deadline sa pagsusumite ng COC.
◘◘◘
SA Oktubre ay wala nang kawala, talagang aktuwal nang aandar ang kampanya sa lahat ng kandidato sa nasyonal at local.
Ang maniobrang ay hinihintay dahil inaasahang magpapaginhawa ito sa daloy ng ekonomiya.
Maglalabas kasi ng trilyun-trilyong piso ang mga pusakal na pulitiko sa bansa.





Comments