top of page
Search
  • BULGAR

Malaking karangalan sa bansa ang medalya ng mga atleta

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 10, 2021



Natapos na ang kampanya ng ating mga atleta sa Tokyo Olympics sa pagkamit ni Carlo Paalam ng silver medal sa boxing nang matalo ni Galal Yafai ng Great Britain. Kung nanalo si Paalam, pangalawang gintong medalya sana ang mauuwi matapos makamit ni Hidilyn Diaz ang pinagnanasaang medalya. Apat ang inuwing medalya ng ating mga atleta, ang pinakamagandang resulta sa loob ng ilang dekada. Patunay na maraming ibang sports kung saan puwedeng makipagkumpitensiya ang Pilipino, hindi lang sa basketball.


Uuwi ang mga atleta sa karangalan, pasasalamat mula sa buong bansa at gantimpala na rin mula sa gobyerno at pribadong sektor. Pera, pabahay at iba pang premyo. Siguradong lahat sila ay makatatanggap ng pag-endorso ng sari-saring produkto. Pero sa kabila ng lahat ng 'yan, marami sa kanila ang nais ituloy ang pagsasanay para sa susunod na Olympics sa Paris, partikular ang mga hindi nakasungkit ng gintong medalya. Dahil sa magandang pagganap ng Philippine Olympic Team sa Tokyo, sana ay maraming atleta ang mabigyan ng inspirasyon na kumatawan para sa bansa sa mga susunod na paligsahan.


Sana ay itigil na rin ang paglalagay ng mga kulay-pulitika sa tagumpay ng mga atleta. Kinatawan nila ang buong bansa, hindi lang isang administrasyon o isang pangulo. Naglabasan kasi sa social media na sa ilalim lamang umano nitong administrasyon, nitong pangulo naging matagumpay ang bansa sa pagkamit ng unang gintong medalya sa Olympics. Natural ay maraming sumagot sa kanila, tulad ng paalala sa pagdawit kay Hidilyn Diaz sa Oust-Duterte matrix. Inamin din naman ng pamahalaan na kulang na kulang ang suporta sa ating mga atleta, bagay na ipinahayag na noon ni Hidilyn. Nagpahayag na nga si Rep. Joey Salceda na dapat suportahan ang mga atleta habang nagsasanay at hindi lang kapag nanalo na. Kaya sana ay tumigil na at lahat naman tayo panalo.


Tatlong taon bago ang 2024 Paris Olympics. May mga paligsahan na kailangang salihan ang mga atleta kung nais maging kuwalipikado para sa Paris 2024. Inaasahang magiging maganda na ang suporta sa kanila matapos ang magandang kaganapan sa Tokyo. Ngayong nakatikim na ng medalya, baka gutom na rin ang iba. Bakit hindi?

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page