Malaki ang ambag ni Eleazar sa reputasyon ng Duterte administration
- BULGAR
- Sep 1, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | September 01, 2021
Iniutos agad ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang imbestigasyon at pagsibak sa mga pulis na sangkot sa iba’t ibang kabulastugan.
Hindi kinukunsinte ng PNP ang mga iskalawags!
◘◘◘
HINATULAN nang habambuhay na pagkabilanggo ang pulis-Parañaque na bumaril at nakapatay sa mag-inang kapitbahay sa Tarlac.
Malinaw na hindi ito idinepensa ng pulisya, bagkus ay hinayaan na umandar ang proseso ng hustisya sa bansa!
◘◘◘
ISA rin sa kakaibang estilo ng pamamalakad ngayon ni Gen. Eleazar ay ang kanyang kakayahang magpakumbaba at humingi ng paumanhin sa ilang kontrobersiyal na pahayag.
Para kay Eleazar, ipinatutupad lang nila ang regulasyon at kung may paglilinaw dito o pagbabago, siyempre, dapat nilang baguhin o bawiin ang mga naunang pahayag!
◘◘◘
BIBIHIRA sa mga Pambansang Opisyal ang may kakayahang magpakumbaba o mag-sorry kung saan nagkaroon ng pagkukulang, pagkakamali o anumang problema habang ipinatutupad ang batas.
Mahalaga ay maipatupad nang tama at angkop ang mga regulasyon ng pamahalaan, lalo na sa protocol!
◘◘◘
MAY ilang pulis ang lumabag sa protocol at umabuso sa pagpapatupad nito, pero ang mga ‘yan ay mabilisang pinaiimbestigahan agad ni Eleazar.
Ilang buwan na lamang ay magreretiro na siya dahil aabot na siya sa retirement age!
◘◘◘
SA mga naging hepe ng Pambansang Pulisya sa panahon ni P-Digong, masasabi nating nakaaangat si Eleazar dahil sa estilo ng kanyang pamamalakad.
Ipinatupad niya ang internal cleansing at e-sumbong kung saan kinakastigo, sinisibak at pinarurusahan ang mga nagkakasalang pulis!
◘◘◘
NAKAKASABAY din siya sa panahon dahil sa implementasyon ng e-sumbong at QR code na gamit sa mabilis na reaksiyon at aksiyon ng pulisya sa mga problema.
Nagmarka agad siya sa taumbayan dahil sa kakaibang liderato mula nang maitalaga siyang hepe ng QCPD, Calabarzon, NCRPO, task force COVID chief at PNP director!
◘◘◘
WALANG linaw kung bibigyan ng posisyon ni P-Digong si Eleazar na magreretiro ngayong Oktubre.
Wala ring linaw kung tatanggapin niyang mapasama sa senate ticket matapos ang kanyang serbisyo!
◘◘◘
ANU’T anuman, malaki ang naging ambag ni Eleazar sa ikagaganda ng reputasyon ng Duterte Administration sa kabuuan.
Saanman humantong si Eleazar, walang dudang mananatiling nakamarka ang kanyang pangalan sa puso at isip ng mamamayan na naghahangad ng mapayapang pamumuhay!




Comments