Mala-sugar mommy, naloko na rin daw sa pera… HEART, UMAMING GHINOST NG EX-BF
- BULGAR

- 1 hour ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 6, 2026

Photo: FB Heart Evangelista
Nagkatawanan na lang ang Fast Talk with Boy Abunda host na si Tito Boy Abunda at ang guest ng talk show kahapon na si Heart Evangelista nang prangkang aminin ng aktres na lagi siyang gumagastos sa lalaki.
Nag-guest si Heart sa FTWBA kasama ang co-host niya sa bagong Kapuso show na The People Have Spoken na si Sean Lucas.
Kung gaano kadiretso ang tanong ni Tito Boy na gumagastos daw ba siya sa lalaki, ganu’n din kabilis ang sagot ni Heart.
“Lagi ako gumagastos sa lalaki. Sira ako sa lalaki. No, that’s my language of love. That’s always been my language of love,” sabi ni Heart na aminadong very giving sa karelasyon.
Pero may isa raw siyang naging boyfriend na ang feeling niya ay sugar mommy na siya, at of course, hindi na ito pinangalanan ni Heart. So, hula-hula na lang, guys! Hahaha!
Samantala, sa Fast Talk portion, inamin ni Heart na sa lahat ng ex-boyfriends niya, si John Prats lang ang friend niya pa rin at marami raw ang hindi na niya friends.
Ganern, Jericho Rosales at Daniel Matsunaga? Hahaha!
“Oo” rin ang sagot ni Heart sa tanong ni Tito Boy kung naloko na ba siya sa pag-ibig, sa pera, kung na-turn-off na ba siya sa leading man niya at kung pinagselosan siya ng kapwa artista.
At ang pinakahuling pasabog ni Heart ay sa tanong kung na-ghost na siya ng lalaki.
“Oo,” ang diretsong sagot ni Heart na may pahabol pang “Walanghiya siya!”
Oh, devah?!
Wala naman sa sampu ang mga naging BF ni Heart in and out of showbiz, so kayo na ang bahalang mag-research kung sino ang pa-blind item niya. Okidok?!
SA ginanap na Spotlight mediacon ng Star Magic para sa tambalang Donny Pangilinan at Belle Mariano ng pelikulang Tayo sa Wakas, aminado ang aktres na nag-iba ang perspective niya sa love at sa buhay matapos gampanan ang karakter niya bilang si Cheska.
“Sobrang challenging but I love the experience. Doing Cheska and the whole Tayo sa Wakas, I learned so much. You know, my principles about love, my beliefs, it really evolved.”
Sabi naman ni Donny, ibang-iba talaga ang karakter nila rito ni Belle kumpara sa mga unang proyektong pinagsamahan nila tulad ng He’s Into Her at Love is Color Blind.
Sa Tayo sa Wakas, nagkasundo raw sila ni Belle na ibigay talaga ang lahat in all aspects bilang ito na raw ang maiiwan nila sa kanilang mga supporters na ilang taon ding sumubaybay sa kanilang love team.
Hindi naman nabigo ang dalawa dahil big success ang movie, and we heard na sa 7 days showing nito ay naka-P70 M na agad ang kinita ng TSW and still counting.
Kaya nga sana raw ay magbago pa ang isip ng management at ‘wag muna talagang paghiwalayin ang DonBelle love team na una nang nagdeklara na magkakani-kanya muna sila career-wise para sa kanilang growth bilang mga aktor.
MGA SENIOR AT RETIRADONG MANUNULAT AT EDITORS, EMOSYONAL SA MEDICAL AT PINANSIYAL NA TULONG NG SPEED
MATAGUMPAY na naisagawa ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ang outreach-fellowship program nito noong Mayo 30 bilang pagkilala at pasasalamat sa mga senior at retiradong manunulat at editors ng entertainment press.
Sa temang “Taking Care of Our Own, SPEEd Cares,” binigyan ng SPEEd ng medical at financial assistance ang 14 honorees-beneficiaries mula sa industriya, katuwang ang mga mapagpalang sponsors na buong-pusong nagbigay ng kanilang suporta upang mapasaya at matulungan ang mga kasamahang matagal na naglingkod sa larangan ng aliwan.
Walo sa 14 honorees-beneficiaries ang personal na nakarating sa programa upang tanggapin ang tulong mula sa SPEEd.
Tuwang-tuwa ngunit naging emosyonal sina Nitz Miralles, Direk Armand Reyes, Mercy Lejarde, Chit Ramos, Erlinda Rapadas, Art Tapalla, Jeff Fernando, na tumanggap ng tulong para sa kanyang inang maysakit, at miyembrong si Anna Pingol, na tumanggap naman para sa kanyang amang nangangailangan ng matinding gamutan.
Ayon kay SPEEd President Tessa Mauricio-Arriola, ang outreach program ay katuparan ng pangakong binitiwan ng kasalukuyang pamunuan ng grupo sa simula pa lamang ng taon.
"Noong aming induction noong Pebrero, nangako po kami na sa pagsisimula ng panibagong taon ng SPEEd at sa pagpasok nito sa bagong dekada, nais naming mas tumingin sa loob ng aming hanay at alagaan ang sarili naming mga kasamahan. Inalala po namin ang mga manunulat, editor at mamamahayag na tumulong magtaguyod ng entertainment press bago pa man nagsimula sa beat ang karamihan sa amin."
Dagdag niya, “At ngayong araw, lubos po kaming natutuwa na ang pangakong iyon ay natupad na sa isang payak ngunit taos-pusong pagtitipon na puno ng pasasalamat, pagkakaibigan at pagmamahal.”
Hindi man nakarating ang iba pang beneficiaries tulad nina Ronald Constantino, Nora Calderon, Crispina Belen, Rowena Agilada, Joe Barrameda at Noel Asiñas dahil sa kanilang medical condition, ipinahatid pa rin sa kanila ang tulong mula sa SPEEd at sa mga sponsors ng programa.
Personal ding dumalo at sumuporta sa outreach program ang ilan sa mga sponsors, kabilang sina Claire Papa at Cecille Roxas ng Unilab, Marianne de Vera ng Pascual Laboratories, Andrea Millado ng Purple Hearts at Purple Hearts Foundation, Malou Choa-Fagar, mag-inang Rowena at Andrea Gutierrez, Rosbel Bunag and Clarice Artates of Startworks, Mhae Sarenas ng Echo Jham, at SPEEd member Jun Lalin, na nagsilbi ring host ng programa.
Malaki rin ang pasasalamat ng SPEEd sa iba pang sponsors, na bagama’t hindi nakadalo, ay naging mahalagang bahagi upang maisakatuparan ang “Taking Care of Our Own, SPEEd Cares” outreach program.
Kabilang dito sina Max Loyola at Dapne Abello of PLDT Home, Heart Evangelista, Yoly Crisanto ng Globe Telecom, Boots Anson-Roa Rodrigo, QC Councilor Alfred Vargas, GMA Network, Gigi Santiago-Lara na vice-president of Musical, Variety, Specials and Alternative Productions ng GMA Network Inc., ABS-CBN, MCD Multi Media Inc., Wilson Flores ng Kamuning Bakery at Vice-Mayor Marcos Mamay ng Nunungan, Lanao del Norte.
Inaasahang hindi ito ang huling pagkakataong makakapagbigay ng tulong ang SPEEd sa mga kasamahan sa industriya.
Ang SPEEd ay isang non-profit organization na binubuo ng mga entertainment editors mula sa iba’t ibang pahayagan at online media platforms sa bansa.





Comments