Makatulong lang sa network… VICE, PUMAYAG IBABA ANG TF, NAG-INVEST DIN SA ABS-CBN

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | August 23, 2026

Photo: IG _praybeytbenjamin
Malaki ang utang na loob ni Vice Ganda (VG) sa ABS-CBN. Dito siya nagkaroon ng pagkakataong sumikat nang husto at nabigyan ng magandang oportunidad.
Ang daily exposure niya sa programang It’s Showtime (IS) ang dahilan kaya nag-level-up ang popularidad ni Vice at nagkaroon din ng malalaking endorsements.
Kaya naman nang magkaroon ng matinding pagsubok at financial crisis ang ABS-CBN, may ginawa si VG upang kahit papaano ay makatulong sa kanyang network.
Mula sa isang source, pumayag daw si Vice Ganda na bawasan ang kanyang talent fee (TF) sa IS bilang tulong at ambag sa problemang pinansiyal ng Kapamilya Network.
Gayunman, walang kumpirmadong impormasyon kung magkano o ilang porsiyento ang ibinaba sa kanyang talent fee.
Matatandaang muling pinagtibay ng host-aktor ang kanyang commitment sa ABS-CBN nang pumirma siya ng panibagong kontrata sa network noong Agosto 7, 2026.
May mga ulat din noon tungkol sa pagtulong ni Vice Ganda sa pamamagitan ng kanyang TF.
Noong 2021, ibinigay niya ang isang araw niyang sahod sa IS para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette.
Samantala, may nagsabi ring nag-invest si Vice Ganda ng malaking bahagi ng kanyang kinita sa stocks ng ABS-CBN, pero wala pang kinukumpirma si Vice ukol dito.
Hiwalayan nila ni Elijah, kalat na…
MILES, NAGPARETOKE RAW NG ILONG KAYA MAS GUMANDA
MARAMING viewers ng Eat…Bulaga! (EB!) ang nakapansin na parang may nabago sa mukha ni Miles Ocampo. Nagbago rin ang aura niya at nagkaroon ng kakaibang glow.
Naging paksa na rin noon ang rhinoplasty umano ni Miles, kaya naiba ang hugis ng kanyang ilong.
Kung totoo ito, maganda naman ang pagkakagawa at bumagay sa hugis ng kanyang mukha. Sabi ng iba, gumanda si Miles, kaya hindi niya dapat ikahiya kung totoong nagpa-nose job nga siya.
Karapatan naman ng mga babae ang magpaganda para magkaroon ng self-confidence, lalo na ngayon na muling napag-uusapan ang estado ng relasyon nila ng aktor na si Elijah Canlas.
Matatandaang nagkahiwalay na noon sina Miles at Elijah, at kamakailan ay muling naging usap-usapan ang kanilang hiwalayan, bagama't wala pang kumpirmasyon mula sa dalawa.
Well, may career din na dapat alagaan si Miles. At sa panahon ngayon, mahalaga ang self-love, lalo na sa mga celebrities na ganda ang puhunan sa pag-aartista.
Suportado naman ang aktres ng ilang grupo ng kababaihan. Tanggap nila ang ginagawang enhancement ni Miles sa kanyang sarili.
Third party daw ng hiwalayan nila ni Harvey…
AC, NAGSALITA NA TUNGKOL KAY MICHAEL SAGER
ITINANGGI ni AC Bonifacio ang balitang may kinalaman si Michael Sager sa hiwalayan nila ng BF niyang si Harvey Bautista. Wala raw third party sa kanilang paghihiwalay, at nilinaw niyang siya ang nagdesisyong tapusin ang kanilang relasyon.
Well, naging mabuting kaibigan lang ni AC si Michael at wala silang relasyon. Aniya, pareho silang taga-Vancouver at naging close sila dahil mahirap makahanap ng taong malalapitan sa industriya.
Ganunpaman, hindi kailangang maging magkaaway sina AC at Harvey, kahit na hindi sila itinakda para sa isa’t isa. Ngayon ay pareho na nilang haharapin ang kanilang career.
Who knows? Baka muling magtagpo ang kanilang landas sa tamang panahon. Hindi na nila kailangang ipilit.
Bata pa naman sila, samantalahin na lang muna nila ang mga magagandang oportunidad na dumarating sa kanila ngayon.
DALAWANG dating Kapuso stars ang magbabalik sa long-running gag show sa telebisyon, ang Bubble Gang (BG). Ito ay sina Jennylyn Mercado at Rhian Ramos, na parehong excited na muling maging bahagi ng comedy show.
Masaya si Jen na muling makatrabaho ang mga dati niyang ka-Bubble na sina Chariz Solomon, Analyn Barro, Paolo Contis, atbp..
Sinabi rin niyang gusto niya na paminsan-minsan ay mga masasaya at magagaan ang kanyang mga proyekto.
Samantala, excited din si Rhian na muling ipakita ang kanyang funny side matapos ang kanyang mabigat na role sa Sang’gre.
Ayon sa aktres, lagi niyang gustong maging bahagi ng BG dahil isa ito sa mga shows kung saan naging semi-regular siya noong nagsisimula pa lamang siya at isa rin ito sa mga palabas na lagi niyang pinapanood.
For a change, gusto naman nina Jennylyn at Rhian ang magaan at masayang show na tulad ng Bubble Gang. Ilang panahon din silang nagbida sa mga madadramang serye ng GMA-7.





Comments