top of page

Makasaysayang reporma sa edukasyon, pormal nang sinimulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | January 27, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ngayong araw ay pormal nang inilunsad ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa Senado ang kanilang ikatlong ulat sa estado ng edukasyon sa bansa. Matatandaang nabuo ang Komisyon sa ilalim ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) Act (Republic Act No. 11899) noong 2022 upang repasuhin ang estado ng sektor ng edukasyon. Maliban sa pagrepaso sa kalagayan ng sektor ng edukasyon, mandato rin ng EDCOM ang magmungkahi ng mga reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. 


Pinamagatang ‘Turning Point’ ang panghuling ulat ng Komisyon na nagsisilbing buod ng lahat ng mga pag-aaral na kanilang ginawa sa nagdaang tatlong taon. Nilalaman din ng ulat na ito ang National Education at Workforce Development Plan, isang roadmap na magsisilbing gabay sa susunod na dekada upang matugunan ang krisis sa edukasyon at iangat ang kakayahan ng ating mga mamamayan tungo sa pambansang kaunlaran. 


Dahil dito, inaasahan nating magiging makasaysayan ang taong 2026 pagdating sa mga reporma sa edukasyon. Kasabay nito, nilaan din natin para sa taong ito ang pinakamataas na pondo para sa sektor ng edukasyon sa ating kasaysayan. Para sa taong ito, umabot sa P1.35 trilyon ang pondo para sa sektor ng edukasyon, katumbas ng 4.4% ng Gross Domestic Product (GDP). Kaya naman mahalagang tiyakin nating magagamit nang tama ang pondong ito upang lubos na matulungan ang ating mga mag-aaral.


Saklaw ng pondong inilaan natin para sa sektor ng edukasyon ang mga programang tutugon sa mga rekomendasyon ng EDCOM. Kung babalikan natin ang ulat ng Komisyon, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng early childhood care and development (ECCD) na magpapatatag sa pundasyon ng mga kabataang wala pang limang taong gulang. 


Sa ilalim ng 2026 national budget, binibigyan natin ng prayoridad ang ECCD. Naglaan tayo, halimbawa, ng P2.56 bilyon mula sa Local Government Support Fund upang gawing child development centers ang mga daycare centers ng fourth at fifth class municipalities. Mahalaga ito upang maabot natin ang mas marami pang mga kabataang wala pang limang taong gulang at gawin silang bahagi ng sistema ng ECCD. Maaari ding gamitin ang naturang pondo para sa pagha-hire ng mga child development workers.

Binigyang-diin din ng EDCOM ang pagpapatatag sa kakayahan ng mga kabataan.


Pinuna ng Komisyon na sa pagwawakas ng School Year 2024-2025, 48.76% o halos kalahati ng mga mag-aaral sa Grade 1 hanggang 3 ang hindi pa nakakapagbasa nang ayon sa kanilang grade level. Pito sa sampung mag-aaral naman ang walang sapat na proficiency o kakayahan pagdating sa mathematics.


Kaya naman binigyan natin ng prayoridad ang learning recovery at mga libreng tutorial para sa ating mga mag-aaral. Naglaan tayo ng P8.96 bilyon para sa pagpapatupad ng Academic Recovery at Accessible Learning (ARAL) Program sa hiring ng 440,000 tutors at masuportahan ang 6.7 milyong mag-aaral.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page