MAJA, 'EKSTRA' LANG SA SERYE NI RICHARD
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 7, 2022

"Special participation" ang nakalagay sa pangalan ni Maja Salvador sa upcoming TV series na Iron Heart na pagbibidahan ni Richard Gutierrez at mapapanood sa ABS-CBN TV5, A2Z, Kapamilya Channel, Jeepney TV, iWantTFC, TFC (The Filipino Channel), ABS-CBN Entertainment YouTube channel at iba pang platforms ng Kapamilya Network.
Kaya natanong ang aktres sa ginanap na mediacon nitong Sabado kung bakit niya tinanggap ang project.
“Madali lang ako napapayag because it’s under Star Creatives, ang dami kong nagawang magagandang shows with Star Creatives (like) The Legal Wife (2014), Bridges of Love (2015), iba kasi ‘yung alaga sa akin ni T’yang Des (Tanwangco), Star Creatives family.
“And then, nu’ng sinabing show with Richard, sabi ko, 'Sige, pakinggan ko, baka ito na ‘yung tamang panahon para magsama kami ni Chard.’ After nu’n, may konting revisions and then lumipad na po ako agad-agad sa Cebu (location shoot).
“At pagdating ko, parang naka-benteng thank you si Richard (kasi tinanggap ko). Binilang ko talaga kasi (sabi niya) ‘Uy, thank you ha?’ Sabi ko, 'Chard, ilang thank you?' Nakakatuwa na kasali ako rito sa Iron Heart,” kuwento ng aktres.
Pagkalipas nang dalawang taon mula nang umalis si Maja sa Kapamilya Network at tumanggap ng project sa TV5, ang Nina Nino at Oh, My Korona at napapanood din siya sa Eat… Bulaga! sa GMA-7 ay heto at balik-ABS-CBN na siya.
Tanda namin nu’ng makausap namin si Maja sa media launch niya para sa isang product endorsement ay binanggit niyang mananatili siyang Kapamilya at anytime ay puwede siyang bumalik dahil may basbas ng ABS-CBN bosses ang pagtanggap niya ng proyekto sa Kapatid Network at EB!. And true enough, heto, nasa Iron Heart series nga siya.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Star Creatives executive na si Mico Del Rosario kung bakit special participation ang inilagay kay Maja.
“It’s a special role po talaga and we felt that special role, we need a special woman and we know that Maja is very busy because she has a lot of engagements and we’re so happy that she accepted the role.”
Anyway, powerful cast ang Iron Heart dahil bukod kay Maja ay suportado si Richard nina Albert Martinez, Al Tantay, Diether Ocampo, Karina Bautista, Enzo Pineda, Sofia Andres, Pepe Herrera, Roi Vinzon, Victor Silayan, Kyle Echarri (batang Richard), Dimples Romana at Baron Geisler.
Ang nasa main cast ay sina Jake Cuenca at Sue Ramirez mula sa direksiyon nina Lester Pimentel Ong at Richard Arellano.





Comments