ni Anthony E. Servinio @Sports | October 28, 2023
Mga laro ngayong Linggo – Optus Stadium
3:10 p.m. Pilipinas vs. Australia
Kumuha ng isa pang hakbang patungong Paris 2024 Olympics ang Philippine Women’s Football National Team matapos durugin ang Chinese-Taipei, 4-1, sa Round 2 ng Asian Qualifiers Huwebes sa Perth Rectangular Stadium. Bumida sa dalawang goal si Sarina Bolden at tumaas ang kumpiyansa ng koponan papasok sa mahalagang laban nila sa host Australia ngayong Linggo sa Optus Stadium.
Natapos ang first half na walang goal subalit naitala ng Taiwanese ang unang goal kay Hsu Yi Yun sa ika-47 minuto. Saglit lang at pinabagsak malapit sa goal si Meryll Serrano at ipinasok ni Bolden ang iginawad na penalty kick sa ika-54 upang itabla ang laban sa 1-1.
Naagaw ng mga Pinay ang lamang, 2-1, sa pasa ni kapitana Tahnai Annis kay Katrina Guillou sa ika-61. Mula roon ay walang nakapigil sa paghataw at dumagdag ng mga goal sina Bolden (83’) at Chandler McDaniel (90’).
Samantala, naitala ng Dynamic Herb Cebu FC ang kanilang unang panalo matapos ang dalawang talo sa kasabay na 2023-2024 AFC Cup laban sa bisita Shan United ng Myanmar, 1-0, salamat sa goal ni Ken Murayama sa ika-29 minuto sa Rizal Memorial Stadium. Ayon kay Coach Joshua Schirmer, mahalaga ang resulta para makabawi ang Gentle Giants sa Round 2 ngayong Nobyembre 9 sa pagdalaw nila sa Shan.
Ginto na naging bato ang nangyari sa isa pang kinatawan ng Philippines Football League (PFL) na Stallion Laguna at nakuntento sila sa 2-2 tabla sa Terengganu FC sa Malaysia.
Umarangkada ang Stallion sa 2-0 bentahe sa likod ng mga goal nina Griffin McDaniel (6’) na kapatid ni Chandler at Junior Sam (41’).
Comments