Gabiana asintado, kampeon sa Pro Darts Asian Tour

ni Eddie M. Paez Jr. @Sports | September 13, 2026

Photo: Si Gabiana matapos tanghaling kampeon. (Professional Darts Asia)
Ipinatong sa ulo ni Rolly Gabiana ng Pilipinas ang korona bilang kampeon sa hindi inaasahang pagtatapos ng Professional Darts Corporation (PDC): Asian Tour 25 sa Lalawigan ng Hainan, China. Pinatunayan din ng Pinoy ang mabangis na porma nang maisalba nito ang pangalawang puwesto sa likuran ni Asian Tour Order of Merit frontrunner Ryuta Arihara ng Japan sa sumunod na event (Tour 26).
Hindi lang ang dehadong Pinoy ang nagmarka sa palaruan ng New Century Resort Chess Bay matapos magsosyo sa huling upuan ng podium sa Asian Tour 25 ang mga kababayang sina Joel Hizon at ang batikang si Paolo Nebrida.
Pumangatlo rin si Asian Championships (2024, 2025) winner Lourence Ilagan sa Tour 26 habang 2-3 naman sa Tour 27 ang naging papel nina Christian Delos Reyes at Noel Malicdem ayon sa pagkakasunod-sunod.
Dinurog ni 2024 Philippine Open titlist Gabiana ang puso ng punong-abala sa bisa ng isang 5-1 na panalo sa finals ng Tour 25 kontra kay Chinese no. 1 Xiaochen Zong.
Galing ang darter mula sa 0-1 na hukay bago kinandaduhan ang titulo na nagkakahalaga ng $2,500.
Nauna rito, naungusan ng kampeon sina Hizon (semifinals, 5-4), Lihao Wen (quarterfinals, 4-1), Thai Sorawis Rodman (round-of-16) sa iskor na 4-0, Hapones na si Arihahara (4-3, round-of-32), Jenn Ming Tan (4-1, round-of-64) ng Malaysia at Singaporean Phuay Wei Tan (4-1, round-of-128).





Comments