Suganob, wagi sa IBF title eliminator, African pinabagsak

by Gerard Arce @Sports News | September 13, 2026

Photo: Kinailangang bigyan ng oxygen ang South African matapos na pabagsakin sa 5th round ni Pinoy Regie Suganob. Andisiwe Alex Ralane
Matamis na paghihiganti ang sinuntok ni Pinoy boxer Regie “Filipino Phenom” Suganob na pinasubsob sa fifth round knockout si dating world champion Sivenathi “The Special One” Nontshinga sa kanilang rematch sa main event ng “Kumong Bol-Anon 26” para sa International Boxing Federation (IBF) light-flyweight title eliminator, Sabado ng gabi sa Bohol Wisdom School sa Tagbilaran City, Bohol.
Makalipas ang mahigit tatlong taon, muling nakaharap ng 29-anyos na tubong Dauis, Bohol ang South African boxer na tumalo sa kanya noong Hulyo 2, 2023 sa bisa ng 12-round unanimous decision na ginanap sa International Convention Centre sa East London, South Africa.
Subalit sa pagkakataong ito, siniguro ng hometown bet na hindi siya uuwing luhaan na nakasisiguro ng isang world title shot sa mananalo kina reigning titlists Thanongsak Simsri ng Thailand, na idedepensa ang korona kay Filipino challenger Mark Vicelles sa Setyembre 26 sa Fujisan Messe sa Fuji, Japan.
Nakamit ni Suganob ang kanyang ika-19 na panalo kasama ang walong panalo mula sa knockouts para pahabain ang tagumpay sa anim na sunod, habang bumagsak naman sa 14-3 (win-loss) rekord si Nontshinga kasama ang 11 KOs, na nalasap ang ikatlong pagkatalo sa knockout matapos unang pabagsakin nina Adrian Curiel at Masamichi Yabuki.





Comments