Mahirap pigilan ang mga Pinoy na hindi magkita-kita sa Pasko sa tagal ng quarantine!
- BULGAR

- Dec 4, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | December 4, 2020
Maaaring umabot sa kalahating milyon ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng taong ito. Ito ang pahayag ng OCTA Research Team dahil walang indikasyon na bumabagal ang dami ng bilang ng mga kaso sa bansa. Tumaas pa nga ito noong Nobyembre at dahil pumasok na tayo ng Disyembre at Kapaskuhan, maaari pa itong lumobo.
Ayon sa OCTA, ang mga bagong kaso sa bansa ay dulot ng “community transmission” dahil sa pagbukas ng ekonomiya. Ibig sabihin, dahil mas marami nang tao sa labas ng kanilang tahanan, dumarami ang nahahawa, partikular sa mga malalaking siyudad tulad ng Metro Manila at Davao City.
Hiniling ng nga alkalde ng Metro Manila sa IATF-EID na manatili sa ilalim ng GCQ hanggang katapusan ng taon. Ipinagbawal na rin ang caroling at Christmas party sa mga opisina. Lahat ng mga pag-iingat ay para mabawasan ang dami ng bilang ng COVID-19.
Nakapagtataka kung bakita marami naman ang nagsusuot ng face mask at face shield pero bakit dumarami pa rin ang mga kaso. Baka para sa mga opisyal hindi na kailangan ang social distancing, pero kung ordinaryong mamamayan ang gumawa niyan siguradong huli. May nangyari ba sa kaso ng mañanita ng hepe ng PNP? Hindi ba patatawarin na lang?
Sa tingin natin, tama ang pahayag ng OCTA. Mahirap pigilan ang Pilipino na magsama-sama sa panahon ng Pasko, lalo na kung matagal nang hindi nagkita. Kaya baka sumipa ang bilang ng mga kaso. Pinaalala naman ni DILG Sec. Año na ang pagtitipon ng mga kapamilya sa Pasko ay itinuturing na mass gatherings. Tila babala sa mga may plano nang magkita-kita sa Pasko. Ilan kaya ang mahuhuli o makukulong sa bisperas ng Pasko?





Comments