Mahigpit ang bakbakan sa 3X3: veteran vs imports
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 20, 2021

Isang dosenang koponan ang magtatagisan sa Chooks To Go Pilipinas 3X3 Invitational hatid ng TM ngayong araw simula 11:00 ng umaga sa LausGroup Events Centre sa City of San Fernando, Pampanga. Tiyak na magiging mahigpitan ang labanan ng mga beterano ng 3X3 habang hinaharap ang hamon ng mga higanteng banyagang manlalaro.
Mabigat na paborito ang HeiHei Manila na nakuha ang serbisyo ng mga beterano ng FIBA 3X3 World Tour na sina Mark Jayven Tallo, Chico Lanete at Zachary Huang at si Mike Harry Nzeusseu ng Lyceum of the Philippines University. Nasa Grupo A ang Manila kasama ang Pacquiao Coffee Bacolod at Adam Esli Pasay.
Hindi magpapahuli ang Bacolod at kinuha sina JK Casino, Cyrus Tabi, Joseph Eriobu at Joseph Manlangit. Ang Pasay ay binubuo nina Jan Jamon, Elvin Chan, Agosto Flor at Jerome Pasia.
Ang iba pang mga beterano ng World Tour na sina Mark Yee at Dennis Santos ay maglalaro para sa Homegrown Grains Bocaue kasama sina Jayvee Marcelino at Ralph Tansingco. Ang Bocaue ay nasa Grupo B kasama ang MNL Kingpin Quezon City at ARQ Builders Cebu na may dalawang banyaga na sina Landry Sanjo at Frederick Elombi upang tulungan sina Monbert Arong at RJ Dinolan.
Sa Grupo C, maagang paborito ang BRT Sumisip Basilan na kinabibilangan nina Junjie Hallare, Darwin Lunor, Shaquille Alanes at Hamadou Laminou ng Emilio Aguinaldo College. Makaharap nila ang Pasig Kingpins at Zamboanga Valientes MLV na suki ng Chooks 3X3 buhat noong unang torneo nito noong 2019.
Magpapadala muli ang Valientes ng purong tubong Zamboanga na sina Paulino Rebollos, Gino Jumao-as, Alex Mohammad at David Sebastian. Tampok sa Pasig ang magkapatid na sina Ryan at Nikki Monteclaro kasama si shooter Jaypee Belencion at Toba Eugene ng San Beda University.
Pumirma sa RBR Cabiao Nueva Ecija si Henry Iloka ng De La Salle-Araneta University at sasamahan niya sina Ian dela Torre, Camillus Altamirano at Vincent King Importante. Ang mga makakaharap nila sa Grupo D ay ang AMACOR Mandaluyong at Essen Immunoboost Sarangani na kinuha si Chibueze Ikeh ng Ateneo de Manila University at sina Ronjay Buenafe, Paul Sanga at Donald Gumaru.





Comments