Mahigit 24,000 barangays, drug-free na!
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 7, 2022
Pangarap ng bawat matinong Pilipino na tuluyan nang maglaho ang probema laban sa ipinagbabawal na ilegal na droga sa bansa at kahit kinapapalooban ng mga kontrabersiya ay tila mas marami ang natutuwa sa naging resulta ng kampanya ng pamahalaan laban sa bawal na gamot.
Sa katunayan, tila nagiging bukang-bibig na kahit na sinong kandidato sa kasalukuyan na nais nilang ipagpatuloy ang seryosong pakikipaglaban ng pamahalaan laban sa ipinagbabawal na droga na sumisira sa kinabukasan ng marami sa ating kababayan, lalo na sa kabataan.
Ilang buwan bago magpalit ng pamahalaan ay naglabas ng pahayag ang pamahalaan na mahigit sa 24,000 barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa idineklarang malinis na at wala ng ilegal na droga dahil sa walang humpay na operasyon simula noong taong 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Base sa huling datos na inilabas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ang mga barangay na idineklarang drug-free hanggang noong Disyembre 31, 2021 ay umabot na sa 24, 253 at inaasahang aabot naman ng 11,175 ang mga barangay na nakatakda na ring ideklara bago matapos ang kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa PDEA, bago pa ideklarang drug –free ang barangay ay bina-validate ito ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs at sinisigurong walang kahit anong aktibidades hinggil sa pagpapakalat ng bawal na gamot.
Pinatutunayan ng nabanggit na ahensiya na wala nang mabibiling ilegal na droga sa kahit saang eskinita, walang laboratory ng shabu o kahit anong chemical warehouse na posibleng gumagawa ng bawal na gamot, walang marijuana cultivation site, walang drug den at wala na ring nagkalat na drug pusher at user sa kalye.
Nabatid na umabot na sa kabuuang 993 drug den ang nalansag ng operatiba ng PDEA at 18 shabu laboratory, simula nang suyurin ng maykapangyarihan ang lahat ng mga posibleng pinagkukutaan ng mga sindikato ng ilegal na droga sa bansa simula noong Hulyo 2016 hanggang katapusan ng nakaraang taon.
Iba’t ibang klase ng ilegal na droga ang nakumpiska ng maykapangyarihan na aabot sa halagang P75 bilyon, kabilang na ang P63 bilyong halaga ng shabu na paboritong binibili ng mga lulong sa ilegal na droga maging ng mga kababayan nating mula sa mga mahihirap na lugar.
Umabot naman sa kabuuang 14,240 high-value target sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nasakote mula nang inilunsad ang kampanya laban sa ilegal na droga na mariing tinututukan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa walang humpay na operasyon ay umabot sa 323, 579 katao na sangkot sa illegal drugs ang nasakote at lahat ay nasampahan ng kaso at kasalukuyang bumubuno na ng sentensiya sa piitan ang ilan habang ang ilan ay naghahantay pa ng hatol.
Sa pinagsama-samang ulat ng mga operasyon ng maykapangyarihan simula nang maglunsad ng crackdown laban sa bawal na gamot ay umabot sa 224, 215 ang nasawi, kabilang na ang nanlaban at nadamay sa anti-illegal drug operations.
Ang medyo nakalulungkot, umabot sa 4,110 menor-de-edad ang nasakote na sangkot na sa ilegal na droga kaya isinalba ang mga ito at dinala sa Bahay Pag-asa center ng nakakasakop na Local Government Unit (LGU) para sa walong oras na kustodiya bago ilipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa dinami-rami ng accomplishment ng kasalukuyang pamahalaan ay isa marahil ang seryosong kampanya laban sa ilegal na droga ang nakikitang dahilan ng marami nating kababayan kaya hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling mataas ang trust rating ng Pangulo ng bansa.
Hindi maitatangging maging ang kasalukuyang posisyon ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga ay nakapag-ambag ng 63 porsiyento sa pagbaba ng crime rate mula 2016 hanggang 2021 kumpara sa ulat ng nakaraang administrasyon noong 2010 hanggang 2015.
Maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay nagbigay ng pahayag na malaki ang ibinaba ng krimen sa nakalipas na limang taon kumpara sa nakaraang administrasyon.
Malaki ang naging tulong sa marami nating kababayan na lumawak ang kanilang kaalaman sa patuloy na pagkalat ng ilegal na droga sa bansa dahil natuto sila kung paano mag-ingat at umiwas sa mga taong lulong na sa ipinagbabawal na gamot.
Hindi tulad noong mga nakaraang panahon na maraming magulang ang kulang na kulang ang kaalaman sa ilegal na droga at hindi nila alam na ang malaking pagbabago ng ugali ng kanilang anak ay epekto na ng pagkagumon sa bawal na gamot.
Ngunit dahil sa masigasig na kampanya ng pamahalaan ay marami ang nagising na hindi sila dapat magtiwala sa kanilang kapaligiran dahil posibleng nasa paligid lamang nila ang nagtutulak o pusher ng bawal na gamot na ang puntirya ay mga batang walang muwang.
Ngayon ay alam na ng maraming magulang sa simula pa lamang nang pagtikim-tikim ng kanilang anak ng bawal na gamot ay alam na nila ang mga pagbabago, hindi tulad noon na isa ng talamak na adik ang kanilang anak bago pa nila madiskubre.
Kahit saan tayo magpunta ay kitang-kita natin ang malaking pagbabago sa mga barangay, lalo na ‘yung senaryo na maraming tambay na mukhang mga adik at talagang gumon sa ilegal na droga ay nawala na at higit sa lahat ay nailigtas ang maraming gumon sa naturang bisyo at nabigyan ng pagkakataong magbagong buhay.
Nagawa na natin, nakaya natin, sana lang ay magtuluy-tuloy na para hindi na magbalik pa sa madilim na nakaraan ang ilan sa ating mga kababayan lalo na ang kabataan na pag-asa ng bayan.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments